EDITORYAL - Katiwalian sa BFP, dapat nang putulin!
MAHIGIT 200 personnel ng Bureau of Fire Protection (BFP), kabilang ang mga regional director, ang iniimbestigahan ngayon dahil sa umano’y “slot-for-sale” scheme. Grabe ang korapsiyon na ito!
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, maaaring umabot mula P100,000 hanggang P800,000 ang ibinabayad ng aplikante kapalit ng puwesto sa BFP.
Kung mapatutunayan, hindi lamang ito simpleng recruitment anomaly. Maaari itong maging simula ng isang cycle ng korapsyon sa loob mismo ng ahensiya.
Isipin ang isang aplikanteng naglabas ng kalahating milyon para lamang magkaroon ng trabaho. Kapag nakapasok na siya, saan niya babawiin ang perang iyon?
Ito ang panganib kapag ang trabaho sa gobyerno ay ginagamitan ng “puhunan”. Sa halip na serbisyo publiko ang unang isipin, maaaring maging prayoridad ang pagbawi sa ginastos.
Mas nakababahala dahil hindi lamang slot-selling ang alegasyon sa BFP.
Ayon kay Remulla, kabilang din sa mga iniimbestigahang questionable practices ang umano’y kickbacks sa procurement at dagdag na bayad kaugnay ng fire inspections.
Sa 2026 recruitment, mahigit 23,000 aplikante ang nag-aagawan sa mahigit 2,500 posisyon. Sa ganitong kompetisyon, dapat malinaw na kuwalipikasyon at merit lamang ang basehan ng pagpili.
Kapag nabibili ang posisyon, hindi lamang nalalamangan ang mas kuwalipikadong aplikante, nalalagay din sa panganib ang integridad ng buong serbisyo.
Kailangan ang masusing imbestigasyon, ngunit mahalagang tandaan na alegasyon pa lamang ang mga ito. Dapat mapatunayan kung sino talaga ang sangkot at mapanagot ang mga responsable, habang pinoprotektahan ang mga inosente.
Ang BFP ang ahensiyang inaasahang umapula sa sunog bago ito lumaki. Ganoon din dapat ang gawin nito sa korapsiyon. Bago pa tuluyang makatupok ang korapsiyon sa BFP na maaring ikabagsak nito, todong paglilinis ang gawin ni Remulla at hindi “ningas kugon” lamang.
Ilang taon nang nababalita ang korapsiyon sa BFP subalit ngayon lamang ito napagtuunan ng pansin. Hindi puwede ang pawang banta sa mga nangyayaring korapsiyon sa BFP. Iprayoridad ito ni Remulla bago pa tuluyang lamunin ng katiwalian na mas matindi pa sa sunog.
- Latest















