Higit na mabahong basura
TUWING huhupa ang baha rito sa atin, lalo na sa Metro Manila, lumulutang ang tone-toneladang basura sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig. Ang basurang lumulutang ay hindi lamang plastik, lata, karton, papel, metal, sirang appliances, etcetera, etcetera.
Pero may mga basurang lumulutang sa gitna ng mga baha na higit na mabaho kaysa mga basurang nabanggit. Ang mga basurang ito’y sumisimbolo sa ating nawasak na pag-uugali, maling pinahahalagahan, at wala sa lugar na prioridad. Ang mga basurang ito’y malungkot na komentaryo tungkol sa ating pagka-Pilipino. Anu-ano ang mga ito?
Una, ang basura ng kawalang-malasakit sa kalikasan. Ang kasalanan natin sa kalikasan ay kasalanan natin sa Diyos, sapagkat nilikha ng Diyos ang kalikasan para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Hindi natin ito sariling pag-aari para gawin natin ang anumang magustuhan natin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Diyos para maging bantay-kalikasan. Pero kadalasan, nagiging bantay-salakay tayo. Tapon dito, tapon doon. Binarahan natin ng basura ang mga estero. Tinayuan natin ng mga gusali at bahay ang mga daanan ng tubig. Pinutol natin ang mga punong-kahoy sa mga kabundukan na natural na panangga natin sa malalakas na bagyo. Sinira ng ating kasakiman ang perpektong disenyo ng Diyos sa kalikasan. Hindi babaliin ng Diyos ang batas-kalikasan na Kanyang nilikha, kaya’t humanda tayo sa kahihitnan ng ating paglabag.
Ikalawa, ang basura ng kawalang-disiplina. Tila nakalimutan na natin ang salitang disiplina. Sa panahon ng kalamidad, doon lumulutang ang ating pagiging pasaway. Lalabagin natin ang mga regulasyon kapag walang nakakakita. Kung mangingibabaw sa atin ang kultura ng disiplina, mapagtatagumpayan natin ang pinakamabigat mang kalamidad. Pero kung mananatili tayong walang disiplina na tulad ng kasalukuyan nating kalagayan, kahit maliit na kalamidad ay magiging malaki. Ang lubos kong ikinatatakot kung tatamaan tayo ng tinatawag na ‘‘The Big One’’ ay hindi ang malakas na lindol, kundi ang kawalan natin ng disiplina. Ito ang papatay sa atin.
Ikatlo, ang basura ng pagkamakasarili. Kung kailan may kalamidad ay doon lumulutang ang ating pagkamakasarili, kaysa pagmamalasakit sa kapwa. Kung makapanlalamang ay manlalamang tayo. Kung makapag-iimbak ng pagkain kahit sobra sa ating pangangailangan at hindi baleng mawalan ang iba ay mag-iimbak tayo. Mas mabigat na kaaway ang pagkamakasarili kaysa lindol at baha, sapagkat ibabagsak nito ang ating pagmamalasakit at ilulubog ang ating kahabagan sa kapwa na siyang pundasyon ng maayos na kaugnayan ng mga tao sa isang lipunan.
Ikaapat, ang basura ng katiwalian. Sa tuwing bumabaha, lalo na sa Metro Manila at sa mga probinsiyang napakaraming ghost flood control projects, sumasabog ang ating galit sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa bilyung-bilyong anomalya sa mga proyekto sa pagkontrol ng baha. Kung ang bilyung-bilyong salapi ay talagang ginamit sa mga proyekto at hindi napunta sa bulsa ng mga tiwali, hindi marahil mangyayari ang ganito katinding baha. Kailangang managot ang mga may kasalanan.
Lahat ng mga basurang ito’y resulta ng maling pamamahala at bagsak na moralidad. Walang malasakit sa kalikasan, walang disiplina, makasarili, at tiwali ang napakarami nating mga lider. Sino ang may kasalanan? Tayo mismo, sapagkat inihahalal natin ang mga hindi karapat-dapat.
May dalawang taon pa para tayo’y mag-isip. Kung hindi tayo matututo, lulubog tayong lahat sa kumunoy ng kabulukan!
- Latest
















