Lubak-lubak na EDSA
Hindi pa man natatapos ang isang taon mula nang sumailalim sa rehabilitasyon ang EDSA, muli na namang naglitawan ang mga lubak na tila ba mga sugat na hindi maghilom-hilom. Ang kalsadang dapat ay simbolo ng pagbabago at modernisasyon, ngayo’y nagiging paalala ng paulit-ulit na problema sa kalidad ng ating infra projects.
Kung bilyon-bilyong piso ang inilaan para sa rehabilitasyon, bakit parang hindi tumagal ang resulta? Ang mga motorista na araw-araw na dumaraan sa EDSA, ay nagiging saksi sa mabilis na pagkasira ng bagong aspalto. Mga lubak na parang bitag sa kalsada. Ang ilan ay nagbibiro na parang “instant noodles” ang proyekto—mabilis gawin, mabilis ding masira.
Dito pumapasok ang tanong sa DPWH at sa mga kontraktor. Sapat ba ang kalidad ng materyales? Nasunod ba ang tamang proseso? O baka naman may nakalusot na anomalya sa procurement at implementasyon? Ang mga lubak ay hindi lang abala, sila’y banta sa kaligtasan ng mga motorista at pasahero. Dagdag gastos din dahil napipilitan silang magpalit o magpaayos ng gulong at suspension. Nagiging biktima sila sa hindi naman nila kasalanan. Ang iba’y naaaksidente dahil sa biglang pag-iwas sa lubak. Ang kalsada na dapat ay daan ng ginhawa, nagiging daan tuloy ng peligro.
Kaya naman hindi rin nakaligtas sa mata ng Senado ang isyung ito. Pinaiimbestigahan ni Sen. Panfilo Lacson ang rehabilitasyon ng EDSA at ang mga kontratang kaakibat nito. Kilala si Lacson sa pagtutok sa mga anomalya at “pork barrel” issues, kaya’t malinaw ang kanyang panawagan na dapat masilip ang bawat pisong ginastos at matukoy kung bakit mabilis bumigay ang proyekto.
Ang EDSA ay hindi lang kalsada, sinisimbolo nito ang kasaysayan at araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Kapag ito’y puno ng lubak, parang sinasabi na rin sa taumbayan na “ganito rin ang estado ng ating pamahalaan na paulit-ulit ang problema, kulang sa pangmatagalang solusyon.”
Kung tunay na rehabilitasyon ang nais, dapat ay may transparency, masusing monitoring, at pananagutan sa bawat pisong ginastos. Ang tunay na sukatan ng proyekto ay kung tatagal ito at magbibigay ng ginhawa sa mamamayan, hindi ribbon cutting at photo ops.
Ang mga lubak ay hindi aksidente. Nagsisilbi silang ebidensya ng kakulangan sa tamang materyales, proseso, at inspeksyon. Kung walang mahigpit na pananagutan, paulit-ulit na lang itong mangyayari.
- Latest


















