OFW na nga pinahirapan pa
KUNG may isang lugar na dapat hindi pinaparamdam sa OFW na pabigat sila, iyon ay ang OFW Lounge.
Kaya nakakagalit kapag ang kababayang ilang oras o araw nang bumiyahe, pagod at sabik nang makauwi, ay makaranas pa ng sama ng loob sa lugar na dapat sana’y pahingahan at kanlungan nila.
Nag-sorry ang OWWA. Maganda iyon. Pero hindi dapat nauuwi sa ‘sorry’ ang serbisyo para sa mga taong buong buhay ang isinusugal para sa pamilya.
Personal pang nagtungo si OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan sa Terminal 3 upang tingnan ang operasyon at kausapin ang mga OFW at frontline personnel. Sana hindi lang ito inspeksiyong pang-camera. Dapat may malinaw na pagbabago pagkatapos.
Dahil ang problema rito ay hindi lang isang reklamo. Kung may OFW na nakaramdam na hindi siya naiintindihan, hindi nirerespeto o hindi inaalagaan, may dapat managot sa paraan ng pagpapatupad ng serbisyo.
Hindi humihingi ng VIP treatment ang mga OFW. Respeto lang. Konting malasakit. Kaunting pasensya. Napakasimple.
Sila ang nagtitiis sa ibang bansa. Sila ang kumakayod habang malayo sa pamilya. Sila ang nagpapadala ng perang malaking tulong sa ekonomiya. Pag-uwi nila, ang hinihingi lang ay maayos na serbisyo.
Kaya OWWA, huwag hintaying mag-viral ang reklamo bago gumalaw.
Ang OFW Lounge ay hindi dapat lugar na pagkatapos ng mahabang biyahe ay mas lalo pang sasakit ang ulo ng OFW.
Hindi sila bisita. Sila ang dapat pinagsisilbihan. At kung may mali sa sistema, ayusin. Kung may kulang sa training, sanayin. Kung may abusadong pagpapatupad ng patakaran, ituwid.
Dahil sa serbisyo publiko, hindi sapat ang magandang salita. Dapat ramdam.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang editoryal na pananaw batay sa iniulat na insidente at opisyal na pahayag ng OWWA. Hindi ito kumakatawan sa opisyal na posisyon ng OWWA o sa anumang indibidwal.
- Latest
















