Bagong batas bibigyan ang DepEd ng ‘flexibility’ sa pagtuturo
Isa nang ganap na batas ang isang panukalang bigyan ang Department of Education (DepEd) ng flexibility sa mga paraan ng pagtuturong gagamitin sa loob ng ating mga silid-aralan.
Kung dati ay isang paraan lamang ng pagtuturo ang mandato ng batas, magkakaroon na ang ating mga paaralan at mga guro ng kalayaang mamili ng mga pamamaraan ng pagtuturong mas angkop sa pangangailangan ng ating mga mag-aaral. Kasunod nito, inaasahan nating mas matututunan ng ating mga mag-aaral ang kanilang mga aralin.
Inamyendahan ng bagong batas (Republic Act No. 12322) ang Enhanced Basic Education Act of 2013 o ang K to 12 Law, kung saan ginawang mandato ang paggamit ng spiral progression approach sa pagpapatupad ng K to 12 curriculum. Sa ilalim ng spiral progression approach, unang ipinakikilala sa mga mag-aaral ang mga basic concepts sa mabababang baitang. Binabalikan ang mga paksang ito sa mga sumusunod na baitang at nagiging mas komplikado ang pagtalakay ng mga paksang ito.
Ngunit hindi nagdulot ang sistemang ito ng epektibong pagtuturo para sa mga guro at pagkatuto ng mga mag-aaral. Batay na rin sa pagsusuri ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), hindi sapat ang natututunan ng mga mag-aaral sa ilalim ng umiiral na sistema.
Tinukoy din ng Komisyon na napilitan sa ilalim ng framework na ito ang mga guro na maging generalists sa halip na subject experts, lalo na sa Science at Mathematics. Sa madaling salita, nagtuturo ang ating mga guro ng mga paksa kung saan hindi sila itinuturing na mga eksperto dahil hindi ito ang pinag-aralan nila sa kolehiyo.
Sa ilalim ng bagong batas, hindi na limitado sa isang one-size-fits-all approach ang ating mga guro. Pahihintulutan na silang gumamit ng ibang mga paraang mas makakatulong sa ating mga mag-aaral.
Patuloy namang tututukan ng Senado ang mga reporma upang patuloy na sugpuin ang krisis sa edukasyon.
- Latest















