Fire volunteer, sugatan sa sunog sa Tondo
MANILA, Philippines — Isang fire volunteer ang nasugatan habang tumutulong sa pag-apula sa isang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Tondo, Manila kahapon ng umaga.
Nasa maayos namang kalagayan ang biktima, na miyembro ng Dagupan Tondo Volunteer Fire Brigade matapos na kaagad na matulungan ng mga tauhan ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-7:52 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa C.M. Recto Avenue. Naitaas ang sunog sa unang alarma dakong alas-7:56 ng umaga. Tinupok ng apoy ang ilang tahanan sa lugar na pawang gawa sa light materials. Naideklarang fire under control ang sunog dakong alas-8:11 ng umaga at tuluyang naapula dakong alas- 8:24 ng umaga.
Masusi pa namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang pinagmulan ng apoy gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.
- Latest





















