BOC nagbabala vs ‘love scams’

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa “online lover parcel scam,” kung saan hinihingan ng bayad ang mga biktima para umano sa pagpapalabas ng regalong ipinadala ng mga nakilala lamang sa social media o online.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, walang opisyal o kawani ng BOC ang awtorisadong tumanggap ng bayad sa pamamagitan ng personal bank accounts, e-wallets, o money remittance services.
Hinimok ng BOC ang publiko na huwag basta magtiwala sa mga mensahe, tawag, o email mula sa mga nagpapakilalang taga-Customs at agad na beripikahin ang mga ito sa mga opisyal na tanggapan ng ahensiya.
Karaniwang nagsisimula ang modus sa pakikipagkilala sa social media o online dating platforms, kung saan nagpapadala umano ng regalo ang scammer bago hihingan ng bayad ang biktima upang mailabas ang umano’y parcel na naka-hold sa Customs.
Nagpaalala ang BOC na gumagamit ang mga scammer ng pekeng dokumento, tracking records, at fake websites upang magmukhang lehitimo ang panloloko, kaya’t pinayuhan ang publiko na maging mapanuri at huwag agad magpadala ng pera.
- Latest





















