Eala may P15 milyon na sa Wimbledon

MANILA, Philippines — Paldo na naman si Pinay netter Alex Eala na magkakamit ng pinakamalaking premyo sa kanyang tennis professional career.
Anuman ang maging resulta ng laro ni Eala laban kay defending champion Iga Swiatek sa third round ng Wimbledon Championships, tiyak na ang milyones na matatanggap nito.
Pag-entra pa lamang sa third round, nakasisiguro na si Eala ng 185,000 pounds o katumbas ng mahigit P15 milyon.
Sa kasalukuyan, ito ang pinakamalaking premyo ni Eala sapul nang magsimula ito sa kanyang pro career.
Ngunit posible pa itong umangat sa 300,000 pounds o mahigit P24 milyon kung papasok ito sa fourth round.
Bukod pa rito ang natanggap ni Eala sa doubles event kung saan natalo sila ni Nikola Bartunkova ng Czech Republic sa first round.
Lumasap sina Eala at Bartunkova ng 6-3, 3-6, 1-6 kabiguan kina eighth seeds Jelena Ostapenko ng Latvia at Sofia Kenin ng Amerika.
May 18,000 o mahigit P1.4 milyon kada pares ang mga natalo sa first round.
Nakapasok naman sa third round si Eala matapos payukuin sina Renata Zarazua ng Mexico sa opening round (6-1, 6-2) at Maya Joint ng Australia sa second round (3-6, 6-2, 6-0).
Nakatakda ang laro nina Eala at Swiatek alas-8:30 Sabado ng gabi (oras sa Maynila).
“She’s (Swiatek) won a Slam on grass. She’s won a Slam on clay. She’s won a slam on hard, so, I mean, I’m expecting a great challenge,” ani Eala.
Si Eala ang kauna-unahang Pilipino na nakapasok sa 3rd round ng Wimbledon Championships singles.
Nagawa rin ni Eala na makapagpakuha ng litrato kay Princess of Wales Catherine Middleton na nanood ng laban sa Wimbledon.
Kasama ni Eala sa picture ang kaibigan nitong si Zeynep Sonmez ng Turkey.
“So honored to have grabbed a pic with Her Royal Highness,” ani Eala sa kanyang post sa social media.
- Latest





















