^

PM Sports

Gilas ‘di nakaporma sa Australia

John Bryan Ulanday - Pang-masa

MANILA, Philippines — Taob uli ang Gilas Pilipinas kontra sa Australia, 92-49, para sa maalat na pagtatapos ng kampanya nito sa 1st round ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers kahapon sa RAC Arena sa Perth.

Natulog sa pansitan ang Gilas sa 1st quarter, 14-33, at hindi na nakaahon pa tungo sa ikaapat na sunod na pagkatalo matapos din ang masaklap na 106-102 kabiguan kontra sa New Zealand sa homecourt din nito sa Auckland sa double overtime, 106-102.

Nauna nang tumirik ang Gilas kontra sa Tall Blacks kahit pa sa homecourt nito sa Mall of Asia Arena noong nakaraang window, 79-66, bago tumiklop laban sa Boomers, 93-66, sa parehong venue.

Bunsod nito ay laglag sa 2-4 kartada ang Natio­nals sa Group A bagama’t pasok pa rin sa 2nd round tampok ang Top 3 teams kada grupo sa likod ng Australia (6-0) at New Zealand (4-2).

Subalit dahil sa 4-game losing skid ay kailangan ngayon maipanalo ng Gilas ang lahat ng laban nito sa 2nd round kontra sa Jordan, Iran at Syria ng Group C upang makapagtapos pa rin sa Top 3 ng pinagsamang grupo ngayon para lang makapasok sa World Cup.

Walang Gilas na naka-iskor ng double digits para sa mga bataan ni coach Tim Cone na lubusang ininda ang kawalan ni naturalized import Justin Brownlee dahil sa mara­ming injuries na natamo kontra sa New Zealand.

Nagkasya lang sa 9 puntos si Dwight Ramos habang may tig-8 puntos sina June Mar Fajardo at Kevin Quiambao. Magilas naman ang ipinakita ng bagong player na si Mike Phillips na humakot ng 6 puntos at 12 rebounds.

Kumamada ng 21 puntos si 6-time Australia NBL MVP Bryce Cotton upang trangkuhan ang Boomers sa pambihirang 43-puntos na tagumpay.

Nag-ambag din ng 16, 13 at 11 puntos sina Tyrese Proctor, Mitch Creek at Josh Bannan, ayon sa pagkakasunod, para sa Boo­mers.

GILAS PILIPINAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with