‘Abroad’: Pangarap pa rin ng maraming Pinoy
Marami pa ring mga Pilipino ang naghahangad na makapagtrabaho at manirahan sa ibang bansa. Lumitaw kamakailan sa Q1 2026 Tugon ng Masa Survey ng OCTA Research na mahigit kalahati ng kabuuang bilang ng mga Pilipino ang gustong magtrabaho at manirahan sa ibang bansa kung mabibigyan sila ng pagkakataon. Sa survey na isinagawa noong Marso 2026, 57 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing nais nilang ma-ngibang-bansa, 39 porsiyento ang ayaw at apat na porsiyento ang hindi pa makapagpasya.
Kung tutuusin, hindi na bago ang sinasabi sa naturang survey. Pinatunayan lang nito ang ma-
tagal nang reyalidad na daan-daan o libu-libong mamamayan ang lumalabas ng Pilipinas para maghanap ng mas magandang kapalaran at nadadagdagan ang kanilang bilang araw-araw o taon-taon habang patuloy na pinapangarap ng marami ang pangingibang-bansa.
Noon ngang 2024, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, umaabot sa 2.19 milyon ang mga Pilipino o iyong tinatawag na overseas Filipino worker na nagtatrabaho sa ibang bansa. Mas Malaki ito nang 1.5 porsiyento sa 2.16 mil-
yong Pilipino sa ibang bansa noong 2023. Bukod pa rito ang 2.1 porsiyento ng ibang mga OFW noong 2024 na nagtatrabaho nang walang working visa o work permit, gumagamit ng ibang klase ng non-immigrant visa tulad ng tourist, visitor, student at medical visa.
Sa survey ng OCTA, pinakamarami sa mga nagnanais mangibang-bansa ang mga kabataang nasa edad 18 hanggang 24 Sumunod naman ang mga nasa edad 25 hanggang 34 na may 75 porsiyento.
Tatlo pa rin ang pangunahing dahilan ng hanga-ring ito: mas magandang oportunidad sa trabaho, mas mataas na kita at mas magandang kalidad ng buhay.
Ngunit mahalagang maunawaan ng mga Pilipinong nais mangibang-bansa na hindi awtomatikong nagiging maganda ang buhay sa oras na makalipad sila palabas ng Pilipinas.
Marami sanang pag-aaral at pananaliksik ang dapat gawin hinggil sa tunay na kalagayan ng mga migranteng Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Karaniwang nakikita sa social media ang mga larawan ng magagandang bahay, sasakyan, bakasyon at matagumpay na buhay sa abroad. Ngunit hindi palaging nakikita ang mga sakripisyo, problema at paghihirap na kaakibat ng buhay-migrante.
May mga Pilipinong matagumpay na nakapagpatayo ng negosyo, nakabili ng bahay at nakapagpaaral ng kanilang mga anak dahil sa kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa. Ngunit mayroon ding mga kababayang nananatiling kapos sa pera kahit matagal nang nasa abroad.
Sa ilang mauunlad na bansa, napakataas ng halaga ng upa sa bahay, pagkain, transportasyon at serbisyong medikal. Dahil dito, may mga Pilipinong napipilitang kumuha ng dalawa o tatlong trabaho upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
May mga propesyonal ding Pilipino na napipilitang muling mag-aral dahil hindi agad kinikilala ang kanilang diploma, lisensiya o karanasan mula sa Pilipinas. May mga doktor, nars, guro at iba pang propesyonal na pansamantalang nagtatrabaho sa mga trabahong malayo sa kanilang pinag-aralan habang inaayos ang kanilang mga dokumento.
Nariyan din ang panganib ng illegal recruitment, human trafficking, kontratang hindi nasusunod, mababang pasahod, diskriminasyon at iba’t ibang uri ng pang-aabuso.
May ilan ding nasasangkot sa mga kasong kri-
minal, nakukulong o napapaharap sa mabibigat na suliranin dahil sa kakulangan ng kaalaman sa batas at kultura ng bansang kanilang pinuntahan. Ang iba naman ay dumaranas ng matinding pangungulila, depresyon at stress dahil sa pagkakawalay sa pamilya sa mahabang panahon.
May mga umuuwi sa Pilipinas na matagumpay at nakapag-ipon. Ngunit mayroon ding umuuwing luhaan, baon sa utang, nabigo sa kanilang mga pangarap o nasa loob ng kabaong sa kanilang pagdating sa Pilipinas.
Ang pangingibang-bansa ay hindi tiket tungo sa agarang tagumpay. Isa itong malaking desisyon na nangangailangan ng sapat na paghahanda, tamang impormasyon, matibay na loob at malinaw na pag-unawa sa mga oportunidad at panganib na naghihintay sa ibang panig ng mundo.
* * * * * * * *
Email – [email protected]
- Latest




















