Sa gitna ng krisis at pagsubok, mas matatag ang Maynila

MANILA, Philippines — Sa pagdiriwang ng ika-455 anibersaryo ng Lungsod ng Maynila nitong Hunyo 24, binigyang-diin ng pamahalaang lungsod ang katatagan at patuloy na pagbangon ng kabisera sa kabila ng mga hamong hinarap nito sa nakalipas na taon.
Ayon sa lungsod, naging mas makahulugan ang pagdiriwang ngayong taon dahil sa mga pagsubok na nalampasan ng Maynila, kabilang ang mga problemang pinansyal, naiwang obligasyon, at iba pang hamong nakaapekto sa operasyon ng lokal na pamahalaan.
Nang bumalik sa City Hall ang administrasyon ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong 2025, hinarap nito ang bilyun-bilyong pisong obligasyon at mga overdue na bayarin sa iba't ibang contractor at service provider. Sa halip na maghanap ng dahilan, nakatuon ang administrasyon sa pagpapatupad ng malinaw na sistema, mas mahigpit na koordinasyon sa mga tanggapan, at agarang pagtugon sa mga suliranin.
Dahil dito, unti-unting naisaayos ang mga obligasyong pinansyal ng lungsod habang naipagpatuloy ang paghahatid ng mahahalagang serbisyo para sa mga residente. Kabilang sa mga prayoridad na nanatiling tuloy-tuloy ang mga programa para sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at solo parents.
Nagkaroon din ng positibong epekto sa sektor ng negosyo. Tumaas ang bilang ng mga bagong negosyo at permit renewals, habang lumago rin ang pribadong pamumuhunan sa mga proyektong pang-imprastraktura at pagpapaunlad sa lungsod.
Bagama't marami pang hamon ang kailangang tugunan, sinabi ng pamahalaang lungsod na malinaw na ang direksiyon ng pagbangon ng Maynila at patuloy ang pagsisikap nitong makapaghatid ng maayos na serbisyo sa mga mamamayan.
Kasabay ng ika-455 anibersaryo nito, ipinapakita ng Maynila hindi lamang ang kakayahang malampasan ang mga pagsubok kundi ang pagiging mas matatag at handa para sa mga susunod pang taon.
“Bawat piso ay pinamahalaan nang may disiplina, bawat obligasyon ay tinugunan nang may pananagutan, at bawat desisyon ay ginabayan ng paglilingkod para sa bawat Manileño,” ayon sa mensahe ng lungsod.
Editor’s Note: Ang press release na ito ay hindi saklaw ng editorial guidelines ng Philstar.com.
- Latest





















