EDITORYAL - Bullying sa eskuwelahan
ANG pananaksak ng 14-anyos na Grade 8 student sa pitong Grade 5 students sa General Trias, Cavite, noong Miyerkules ay nakakagimbal na babala. Kinukumpirma nito ang matagal nang hinaing ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na ang kakulangan sa mga kawani ay nagdudulot ng mapanganib na puwang sa superbisyon. Bukod sa kakulangan ng seguridad kung saan nakalusot ang isang patalim sa loob ng bag, inilalantad ng insidente ang isang mas malalim na pandemya: ang bumabagsak na mental health ng mga kabataan.
Hindi ito isang hiwalay na trahedya. Sa mga nakalipas na taon, nabalita ang mga pananaksak at pamamaril sa mga paaralan sa Parañaque, Pasig, at Nueva Ecija. Ayon sa PISA at EDCOM 2, ang Pilipinas ay itinuturing na “bullying capital” ng mundo, kung saan isa sa tatlong estudyante ang biktima ng pambu-bully linggu-linggo. Dagdag pa rito ang epekto ng toxic na kapaligiran sa bahay at matinding diskriminasyon sa lipunan.
Dahil sa mga ito, unti-unting nawawasak ang mental health ng mga kabataan, na nauuwi sa depresyon at marahas na pagganti.
Paano tutulungan ang mga mag-aaral kung ang sistema ay nabibigo? Sa kasalukuyan, mayroon lamang isang guidance counselor para sa bawat 7,000 hanggang 14,000 mag-aaral, napakalayo sa 1:250 na pandaigdigang pamantayan. Usad-pagong din ang aksiyon ng gobyerno; batay sa pinakabagong datos, 38 lamang sa 339 na kaso ng bullying ang naresolba. Walang sapat na propesyonal na sasalo sa mga batang sumisigaw ng saklolo.
Hindi sapat ang pagpapabigat ng parusa o pagdadagdag lamang ng mga guwardiya. Kailangang pondohan ng gobyerno ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act upang makapagbukas ng mas maraming plantilla positions para sa mga counselors. Habang pinupunan ito, kailangang sanayin ang mga non-teaching staff na makapansin ng mga kakaibang ikinikilos ng mga bata, magtatag ng anonymous peer-reporting, at gumamit ng mga emotional check-in slips sa mga silid-aralan.
Sa ilalim ng batas, ang paaralan ay may special parental authority o in loco parentis. Sila ang pangalawang tahanan ng mga bata. Ang pag-inspeksiyon sa nilalaman ng mga bag ay pansamantalang lunas lamang.
Ang tunay na sandata na kailangang disarmahan ay ang hindi nalulunasang trauma at galit ng mga mag-aaral. Hangga’t hindi ginagamot ang kanilang isip at puso, mananatiling mapanganib ang mga silid-aralan.
- Latest















