EDITORYAL - Hindi malilimutang ‘drama’ sa Senado
Bago na ang pinuno ng Senado. Si Sen. Sherwin Gatchalian na ang acting Senate President na dating inookupa ni Sen. Alan Peter Cayetano. Si Gatchalian din ang Senate President Pro Tempore. Itinalaga siya sa naturang posisyon matapos isagawa ng Senado ang reorganisasyon kung saan idineklarang bakante ang mga pangunahing posisyon sa kapulungan.
Pero bago ang pagpapalit ng liderato kahapon, ilang linggo ring naging tila magulong section sa hayskul ang Mataas na Kapulungan kung saan ang class officers ay nag-aaway kung sino ang totoong “noisy”.
Nasaksihan ng taumbayan ang pinakamababang antas ng pamumuno nang mag-boycott ang 11 mambabatas ng mayorya sa sarili nilang pinatatakbong Senado. Sa pangunguna ni dating Senate President Cayetano, pinatayan pa ng kuryente, aircon, at internet ang bulwagan para perwisyuhin ang minoryang pumasok para magtrabaho.
Ang dahilan ng kanilang pagpa-panic? Nawasak ang kanilang numero. Noong nakulong si Jinggoy Estrada sa kasong plunder at naging pugante si Bato Dela Rosa, naging patas ang laban sa 11-11. Sa takot na maagawan ng mga upuan sa komite, pinili ng mayorya ang “mag-cutting classes”. Ang mas nakahihiya, imbes na mamuno sa session hall, naging “Vlogger” si Cayetano na nagtatago sa Facebook Live upang magbitiw ng mga palusot tungkol sa “independence.”
Habang ‘suspendido ang klase’, sunog ang P25 milyong pisong buwis ng bayan kada araw. Na-hostage ang promosyon ng limang heneral ng AFP at mga krusyal na batas dahil ayaw mag-quorum ng mga ‘bulakbol’. Mas nakaririmarim ang pagdadrama at pag-iyak ng mga senador habang inaaresto si Estrada. Tama ang buwelta ng media: iyakan ninyo ang mga Pilipinong binabaha dahil sa ninakaw na pondo sa flood control, huwag ang inyong barkada.
Gaya ng pagsusuri ng mga eksperto, ang Senado ngayon ay opisyal nang naging “damaged goods.” Nawalan na ito ng moral na kredibilidad. Nanawagan ang Solid Bloc 11 na magbitiw na si Cayetano. Ang panawagan ay hindi lang usaping pulitikal; ito ay panawagan ng katinuan. Hanggang ngayon, hindi pumapasok ang mga senador na kabilang sa mayorya. Kung hindi kayang pumasok ng mga mambabatas na ito, marapat lamang na sibakin sila ng taumbayan.
Paalala sa nagtatagong mayorya: hindi kayo mga pasang-awang estudyante sa Row 4 na hahayaan na lang ng taumbayan at basta na lang bibigyan ng passing grade kahit hindi pumapasok.
Mabuti at nagkaroon ng reorganisasyon at naisalba ang Senado. At least, may pag-asang nakikita sa hinaharap. Hindi na marahil magkakaroon ng “drama” sa pagkakataong ito.
- Latest















