Ginebra, TNT bakbakan na

MANILA, Philippines — Justin Brownlee kontra kay Chris McCullough at RJ Abarrientos laban kay Jayson Castro.
Ito ang magiging tampok sa finals rematch ng Barangay Ginebra at nagdedepensang TNT Tropang 5G para sa korona ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup.
Pag-aagawan ng Gin Kings at Tropang 5G ang 1-0 lead sa Game One ng kanilang best-of-seven championship series ngayong alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sina Brownlee at Abarrientos ang muling aasahan ng Ginebra kasama sina Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Troy Rosario, Stephen Holt at Ralph Cu.
Itatapat ng TNT sina McCullough, Castro, Roger Pogoy, Calvin Oftana, Brandon Ganuelas-Rosser, Kelly Williams at Glenn Khobuntin.
Hangad ng 38-anyos na si Brownlee ang kanyang pang-pitong PBA title, habang ang ikalawang korona ang target ng 31-anyos na si McCullough matapos tulungan ang San Miguel na maghari sa 2019 PBA Commissioner’s Cup.
Kilala na ni McCullough si Brownlee na nag-aral at naglaro sa Saint John’s University sa New York City.
“I was probably 13 or 14 years old and he’s in college,” ani McCullough kay Brownlee. “I used to go to their college and work out with him and I was very young.”
Aabangan din ang bantayan nina Abarrientos at Castro sa serye.
“Grateful ako na pinapanood ko lang ‘yung kuya ko dati, tapos ngayon nakakalaban ko na sa finals,” sabi ni Abarrientos, ang 2023 Korean Basketball League (KBL) Rookie of the Year, kay Castro. “Para pa rin akong nangangarap.”
Unang nagharap ang 26-anyos na si Abarrientos at ang 39-anyos na si Castro sa Season 49 Governors’ Cup Finals kung saan tinalo ng Tropang 5G ang Gin Kings, 4-2.
Sa tindi ng lineup ng Ginebra ay itinuring ni TNT coach Chot Reyes na sila ang ‘underdogs’ sa bakbakan.
Tumapos kasi ang Tropang 5G bilang No. 8 team sa eliminations, habang No. 2 ang Gin Kings.
- Latest
















