Ang mapait na kabanata ng buhay ni Digong
BARAKONG mayor ng Davao City at binansagang “alaskador” na Presidente ng Pilipinas si dating President Rodrigo Duterte. Kalaban ng mga kriminal, magnanakaw at drug pushers. Isinulong ang “operation tokhang” at marami ang natodas.
Inidolo ng masa ang liderato ni Digong magmula nang manalo itong Presidente noong 2016 pero nabahiran ng pintas nang bumaha na ang bilang ng napapatay na pinaghihinalaang drug pushers na nanlaban umano sa kapulisan.
Lumutang sina Edgar Matobato at Arturo Lascañas na umaming miyembro sila ng Davao Death Squad na sangkot sa mga patayang naganap sa Davao City noong mayor pa si Digong. Idiniin nila si Digong na diumano’y nag-utos sa kanila.
Naging kontrobersyal din ang magkasunod na pagkasibak kina BOC Commissioners Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña dahil sa magkasunod na nahuling kargamento na naglalaman nang malaking bulto ng droga sa Customs.
Nasabit sina Customs Broker Mark Taguba, BOC Intelligence Officer Jimmy Guban at PDEA Officer Eduardo Acierto sa natimbog na droga, pero sa kalaliman ng imbestigasyon ay itinuro nila ang anak ni Digong na si Paulo “Polong” Duterte na may kinalaman sa natimbog na drug shipments. Tsk tsk tsk!
Ngayon ay nakakulong na si Digong at nakatakdang litisin ng ICC sa The Hague, Netherland sa kasong crime against humanity. Aabot diumano ng anim hanggang siyam na taon ang paglilitis. Parang nahatulan na rin di ba?
May namuong intriga ang naging proseso sa pagkakadakip kay Digong at isinisisi sa pagpapaubaya diumano ni President Bongbong Marcos sa mabilis na pagtalima ng PNP sa misyon ng International Police.
Malaking kawalan ang malayo si Digong sa piling ng pamilya nito, lalo’t may haharaping impeachment proceedings sa Senado ni VP Sara Duterte sa kaso ng korapsiyon.
Bawas na nga kaya ang kamandag ng mga Duterte? Pakiramdaman natin! Sa kalagayan ng edad at kalusugan ni Digong, makaraos pa kaya?
- Latest