Gilbert, Rachelle at Desiree:Adhika para sa kapwa OFW
Marami nang mga overseas Filipino worker ang kinikilala sa iba’t ibang bansa sa mundo dahil sa kanilang mga natatanging gawain at pag-unlad sa kani-kanilang mga propesyon at kontribusyon sa ginagalawan nilang lipunan. Hindi lang para sa kanilang pamilya ang mga ginagawa nilang pagsisikap sa ibayong-dagat kundi para na rin sa kapwa nila mga Pilipinong nakikihamok sa buhay sa banyagang lupain.
Maihahanay sa mga OFW na ito na kinakikitaan ng kasipagan, pagtitiyaga at dedikasyon sa kanilang propesyon at lipunan at pagtulong sa kanilang mga kababayan sa ibang bansa ang mag-asawang nurse na sina Gilbert at Rachelle Sa-lacup ng Isabela at ang titser na si Desiree Pasahol Brigola ng Laguna na pawang nagtatrabaho sa Bahrain.
Ayon kay Cecille Ancheta na isa ring OFW sa Bahrain, hindi lang sa loob ng ospital umako ng mga responsibilidad ang mag-asawang Salacup kundi pati na rin sa mga komunidad na pinaglaanan din nila ng oras kahit meron na silang sariling pamilya at nagpapalaki ng kanilang mga anak. Nag-alay sila ng panahon sa pag-tuturo sa mga aspiranteng nurse, ibinahagi sa iba ang kanilang mga kasanayan at sigasig na naging inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga healthcare pro-fessional.
Nabatid na kabilang sina Gilbert at Rachelle sa nagtatag sa Philippine Nurses Association of Bahrain (PNAB). Naging mentor at lecturer sila para sa Special Professional Licensure Board Examination para sa mga nurses na nagsimula noong 2016. Dahil sa kanilang tulong, 100 nurses na Pilipino ang nakapasa sa SPLBE at nakakuha ng lisensiya para makapagpraktis ng nursing sa Bahrain. Sa PNAB, naging layunin nila magpaunlad ng mga under board nurses at magbigay-tulong sa mga Pilipino sa naturang bansa na nangangailangan ng kanilang tulong.
Staff nurse ang unang trabaho ni Rachelle sa Bahrain nang una siyang dumayo dito noong 2007 hanggang maging isa siyang senior staff nurse sa Bahrain Petroleum Company Awali Hospital bago na-promote bilang infection control supervisor. Una namang nagtrabaho si Gilbert bilang ICU nurse sa Libya bago siya naging student welfare officer ng Royal College of Surgeons in Ireland Medical University Bahrain noong 2014.
Masasabing pruweba ng kahusayan at mga tagumpay ni Gilbert sa kanyang propesyon at ibang mga aktibidad ang natatanggap niyang mga parangal at pagkilala tulad ng pagiging isang outstanding leaders sa Bahrain na iginawad sa kanya ng Philippine Embassy noong Hunyo 12, 2018; pagkakasama niya sa librong “100 Influential Filipinos in the Islamic States of the Gulf Region: A River of Tears in the Valley of Triumph” na lumabas noong Hunyo 2021; Nightingale Award mula sa PNAB noong Disyembre 27, 2024; 10 Years Nursing Service Award; at iba pa.
Si Rachele naman ay naging unang Filipino nurse sa Bahrain na pinarangalan ng Head of Quality ng National Health Regulatory Authority ng Bahrain. Nakatanggap din siya ng parangal na Employee of the Year award noong Disyembre 2022 at parangal pa mula sa PNAB dahil sa matapat niyang serbisyo bilang nurse sa Bahrain.
Pero sinabi ni Gilbert na naniniwala silang mag-asawa na ang pinakamalaki nilang tagumpay ay ang pagbibigay nila ng inspirasyon sa daan-daang rehistradong mga nurse.
Naging katangi-tangi namang guro sa Bahrain si Desiree na itinutok ang sarili niyang buhay sa mga marangal na simulain. Hinangaan ang kanyang dedikasyon at adbokasya para sa mga migranteng manggagawa lalo na sa mga nagigipit na domestic helper. Noong kasagsagan ng pandemya ng Covid-19, isa siya sa iginagalang at pinagkakatiwalaang personalidad ng mga OFW sa Bahrain.
Pinarangalan ng Philippine Embassy Manama si Desiree bilang isa sa 10 Out-standing Woman noong 2021 National Women’s Month bilang pagkilala sa kanyang tulong sa programa ng embahada para sa mga Pilipino sa panahon ng pandemya noong 2020.
Isa rin si Desiree sa mga founding member ng Philippine Teachers Association of Bahrain na nagbukas ng mga oportunidad para sa mga titser na Pinoy sa natur-ang bansa.
Kasama sa mga serbisyong ginawa ni Desiree para sa mga OFW habang nasa Bahrain siya ang On Demand Advisory Services na nagbibigay ng on-the-spot advice at support hinggil sa mga indemnity-related problems, FLEXI visa concerns, conflict with employers, maltreatment cases, at those concerning individuals who have run away. Kabilang sa mga suporta sa gipit na mga OFW ang coordinating referral para sa unemployed Filipinos at sa mga nangangailangan ng pagpapagamot at pagkain.
Isang 32 anyos na Pilipina si Angie Sierga, ang nagsabing isa siya sa natulungan ni Desiree. Noong gabi ng Oktubre 16, 2023, bigla na lang inihatid si Sierga ng kanyang amo sa airport at pinipilit siyang pauwiin sa Pilipinas. Hindi niya alam ang dahilan at wala siyang dala kundi tiket lang sa eroplano. Sa pamamagitan ng isa niyang pinsan, nakausap niya sa Facebook messenger si Desiree na gumabay sa dapat niyang gawin. Ini-report niya sa mga awtoridad ang ginawa ng kanyang amo na humingi naman ng paumanhin. Si Desiree rin ang tumulong para maka-hanap siya ng ibang trabaho sa naturang bansa.
Matagal na ring humihingi ng payo kay Desiree ang 60 anyos na si Marina Geron. Marami nang naitulong sa kanya ang una. Noong panahon ng pandemya, “Nagka-COVID ang anak kong si Ariel Geron. Si Ma’am Desiree po ang naglakas-loob na puntahan ang anak ko para maghatid ng tulong na gamot at groceries, bagay na hindi ko alam dahil bukod sa malayo ang bahay ko, ako ay matanda na at mahina na rin ang immune system dahil nagme-maintenance na rin ako. Ngayon po ay nasa maayos na kalagayan ang anak kong si Ariel dito sa Bahrain at nagtatrabaho sa isang cargo company. Salamat po talaga ng marami kay Ma’am Desiree.”
* * * * * * * * * * *
Email – rmb2012x@gmail.com
- Latest