EDITORYAL — Itigil, importasyon ng bigas

MASAYANG ibinalita ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na maaaring ipatupad na sa Marso 31 ang bagong maximum suggested retail price (MSRP) sa bigas na nagkakahalaga ng P45 bawat kilo. Ayon kay Tiu Laurel ang pagbabawas ay dahil sa pagbaba ng presyo ng imported na bigas sa world market at sa paglakas ng piso. Sa kasalukuyan, ang pinakamababang presyo ng bigas sa mga palengke ay P49 bawat kilo. Ang pinakamahal ay P65 per kilo.
Kung tutuusin, mahal pa rin ang binabalak na MSRP na P45 per kilo ng bigas. Tiyak na marami pa rin ang iiyak dito lalo na ang mga kinikita ay sapat-sapat lang. Ang kakarampot na kinikita halimbawa ng mga jeepney at tricycle drivers na P300 ay halos limang kilong bigas lang ang mabibili. Saan kukuha ng iuulam? Baka hindi makabili kahit isang lata ng sardinas.
Nang ibaba ni President Ferdinand Marcos Jr. ang taripa para sa imported na bigas na nakasaad sa Executive Order 62, ang inaasahan niya ay bababa ang presyo ng bigas. Pero nagkamali siya sapagkat sa halip na bumaba, lalo pang tumaas ang presyo. Sa halip na makakain nang husto ang mga mahihirap, lalo pang nagsalat—kanin lamang ay hindi pa mapunuan ang kumakalam na tiyan.
Noong Enero, sinabi ni Tiu Laurel na hindi dapat umabot sa P65 kada kilo ng imported na bigas sa mga palengke. Ayon sa kanya, kapag umabot sa ganito kataas na presyo, maliwanag na ito ay profiteering. Noon sinabi ng Kalihim ang kanyang balak na MSRP system. Sinabi niya na makikipagpulong siya sa rice importers at retailers para maipatupad ang MSRP. At sinabi na nga ni Tiu Laurel na sa Marso 31 ay ipatutupad na ang P45 na MSRP. Pero hindi pa nga ito masasabing mababa o abot kaya ng mga nagdarahop na mamamayan.
Ang pinaka-ideyal na presyo ng bigas na maaabot ng mahihirap na mamamayan ay P35 per kilo. Ang ganitong presyo ang inaasahan ng mamamayan. Hindi na sila naghahangad pa ng P20 per kilo na ipinangako ni President Ferdinand Marcos Jr. noong campaign period. Itinuring na lamang iyon nang marami na bangungot.
Isang dahilan kaya hindi bumababa ang presyo ng bigas ay dahil sa sabwatan ng mga gahamang rice importers at negosyante. At kaya hindi lubusang maibaba ang presyo (kahit P35 per kilo) ay dahil patuloy pa rin ang sabwatan ng mga ganid na rice importers at traders.
Dapat din namang itigil ang importasyon ng bigas habang nasa panahon ng anihan. Saan naman nakakita na nag-aani ang mga lokal na magsasaka ay bumabaha naman sa merkado ang imported na bigas. Hindi dapat mangyari ito. Dahil dagsa ang bigas, mura rin na naibebenta ng mga magsasaka ang kanilang aning palay na umaabot lamang sa P15 per kilo. Kawawa ang mga magsasaka. Itigil muna ang pag-iimport ng bigas kapag panahon ng anihan.
- Latest