12 rider sumemplang sa flyover
MANILA, Philippines — Pawang mga sugatan ang nasa 12 rider nang sumemplang ang kanilang mga motorsiklo dahil sa pagkakatapon ng kargang putik ng dump truck sa Kamuning flyover sa Quezon City nitong Martes ng madaling araw.
Sa report ng mga rumespondeng traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA), bandang 1:30 ng madaling araw ng maganap ang magkakasunod na aksidente sa motor.
Galing umano sa Pasig City ang dump truck, at papunta sana sa Pampanga para dalhin ang panambak na lupa.
Ayon sa driver ng truck, dahil umulan ay naging putik ang dala niyang lupa at natapon matapos mabuksan ang safety lock sa tail gate nito.
Sinabi naman ng ilang rider na sumemplang sa lugar, mabilis ang kanilang takbo at nabulaga na lamang sila nang mapadaan sa maputik na flyover kaya nadulas ang kanilang motor.
Nasa kustodiya ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3 ang truck driver na kakasuhan ng Reckless Imprudence Resulting in Multiple Physical Injuries and Damage to Properties.
- Latest