2 pulis todas sa buy-bust sa Bulacan

MANILA, Philippines — Naging madugo ang isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad matapos na dalawang pulis ang bumulagta nang pagbabarilin ng nakahalatang tulak ng droga sa Brgy. Tambubong, Bocaue, Bulacan, kahapon.
Kinilala ang mga napatay na pulis na sina PStaff Sgt. Dennis Cudiamat at PStaff Sgt. Gian Dela Cruz, kapwa nakatalaga sa Bocaue Police Station at residente ng Brgy. Poblacion, Bocaue, Bulacan.
Sa inisyal na report ng Bocaue Police, naganap ang insidente nitong tanghali ng Marso 8, 2025 sa Sitio Tugatog, NIA Road, Brgy. Tambubong, Bocaue.
Ayon sa report, sa kasagsagan ng operasyon ay bigla na lamang namaril ang isa sa suspek. Nasapol ng bala sa ulo ni Cudiamat na agarang ikinamatay nito samantalang ang kasamang si Dela Cruz ay tinamaan din bala at mabilis na isinugod sa ospital subalit binawian din ng buhay kalaunan.
Nabatid sa report na bago tumakas ang mga suspek sa direksyon patungong bayan ng Pandi ay nagawa pa nilang kunin ang mga service firearm ng mga biktima.
Habang sinusulat ito, hawak na ng mga awtoridad ang isa sa suspek habang tinutugis pa ang kanyang kasama.
- Latest