NBI: Bato nasa Pinas lang

MANILA, Philippines — May sinusundang impormasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) na nasa loob ng Pilipinas ang puganteng si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na may nakabinbing warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court (ICC), ayon kay NBI Director Melvin Matibag nitong Biyernes.
Bukod pa rito, kampante si Matibag na malakas ang indikasyong hindi lumabas ng bansa si Dela Rosa dahil mas mahihirapan siya kung sa ibang bansa siya magtutungo upang pagtaguan ang batas.
“Mayroon pong malakas na indikasyon na nandito pa po sa Pilipinas at meron pong mga impormasyon kaming sinusundan,” ani Matibag sa panayam ng Balitanghali.
Paliwanag niya, may 132 bansa na kasapi ng ICC at mahihirapan ang senador na makaiwas.
Si Dela Rosa ay kabilang sa co-perpetrators sa kasong crimes against humanity na naganap mula Hulyo 13, 2016 hanggang Abril ng 2018. Ang pagdakip sa senador ay nabigo noong Mayo 11, sa muling paglutang niya Senado matapos magtago ng ilang buwan. Inilagay siya sa protective custody ng Senado at madaling araw ng Mayo 14, tumakas siya ilang oras matapos ang tensyon sa putukan sa loob ng Senado.
Hindi na nakita pa si Dela Rosa mula nang makisakay umano kay Sen. Robin Padilla paalis ng Senado at ibinaba umano sa bahagi ng Makati City.
- Latest





















