EDITORYAL — Hayaang umusad ang impeachment
MAGANDANG senyales ang hindi pag-iisyu ng temporary restraining order (TRO) ng Supreme Court (SC) kaugnay sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte. Noong Marso 27, sampung indibidwal na kinabibilangan ng mga abogado ang humiling sa SC na maglabas ng TRO sa impeachment proceedings. Naghain naman ng hiwalay na petisyon si Sara noong Marso 30.
Sa halip na mag-isyu ng TRO, inatasan ng SC ang House justice committee na magkomento kaugnay sa petisyon na humiling na ipatigil ang naturang proseso laban kay Sara. Ayon sa SC, pinagsama-sama ang mga petisyong inihain ni Sara at mga abogado na kumukuwestiyon sa impeachment proceeding. Binigyan ng 10 araw ang respondents para mag-comment. Dahil walang TRO na inisyu, tuloy ang impeachment proceedings sa Abril 14, 2026.
Maraming natuwa sa desisyon ng SC na huwag mag-isyu ng TRO. Maraming nag-akala na muling madidiskaril ang impeachment na una nang naiskedyul ang pagdinig noong Marso 25, 2026.
Sa petisyion ni Sara, iginiit nito na wala umanong due process at patas na pagtrato. Hindi rin umano siya sinangguni. Sinabi pa ng kampo ni Duterte na hindi layunin ng petisyon na iwasan ang proseso kundi para humingi ng linaw sa mga usaping konstitusyonal.
Nararapat nang matuloy ang impeachment para maipagtanggol ng Vice President ang sarili sa mga inaakusa sa kanya. Kung hindi maisasakatuparan, titibay na totoo ang mga bintang sa kanya.
Ang mga isinampang kaso kay Sara ay: Pagbanta sa buhay nina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at Speaker Martin Romualdez noong Nob. 2024; Pagwaldas ng confidential funds kung saan, sa “ghost expenses” umano napunta ang P255 milyon mula sa P612 milyon ng OVP at DepEd. Alyas ang mga binayaran gaya nina Mary Grace Piattos, Kokoy Villamin, Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi at iba pa na walang birth, marriage o death records sa Philippine Statistics Authority. Inubos din ni Sara ang P125 milyon sa loob ng 11 araw; Panunuhol – Namahagi ng libu-libong piso si VP Sara sa opisyales ng DepEd na namamahala sa bidding at procurement; Tagong yaman – Ayaw ipaliwanag ni Sara ang P2 bilyong yaman na kinamal nu’ng 2007-2012 at 2016-2022. Wala ito sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth niya bilang vice mayor at mayor; Pag-udyok ng sedisyon nang paulit-ulit na manawagan sa madla at militar na magrebelyon; at pag-abuso sa kapangyarihan.
Hayaang matuloy ang impeachment at gumulong ito. Kailangang marinig ng taumbayan ang kanyang panig sa mga inaakusa. Harapin ang impeachment trial.
- Latest




















