'Eat, Bulaga is 33!'
Dahil bukas ay tatlong dekada at tatlo na
Ang Eat, Bulaga tayo’y magbalik-alaala
Kung paano nagmula palabas ng barkada,
Maligayang Kaarawan! Tandang-tanda ko pa…
Taong 1978 may Iskul Bukol pa,
Ungassis pa si Vic at kami ay Escalera,
Nang magdesisyon na grupo ni Tony Tuviera —
Isang bagong noontime show at kaming tatlo bida.
Sa totoo lang matagal na nilang ideya,
Student Canteen pa kami nun at may Discorama,
Kalagitnaan noon ng dekada sitenta,
Hanggang sa dumating ang isang waring intriga.
Kami’y mga tapat buong puso’t kaluluwa
Sa’ming paglilingkod basta kami la’y masaya,
Nung panahong ‘yon ‘di basta kami mahihila,
Hindi matatapatan ano mang daming pera.
Subalit pag tiwala sa ami’y inalis na,
Nasasaktan din kami ‘yay usapan nang iba,
Lalo na’t walang katotohanan ang bintang pa
At ang matindi pa’y sa sabi-sabi nakuha.
Naniwala sila’t kami nama’y nagtampo na,
At ang masakit kami’y hindi na hinabol pa,
Kami pa nga noon pinalitan kapagdaka,
Aray ang sakit! Show nami’y naging Disco-drama!
Ngunit may isa akong hindi malilimutan
Noong kami’y nandun pa at kinatutuwaan,
Isa sa iginagalang na hosts ang nagturan,
“Someday, kayo papalit sa amin… tuloy n’yo lang!”
Dala ng sama ng loob ‘di na pinansin ‘yon;
Magagandang salitang inasaha’y binaon,
Mga masasayang alaala’y naitapon,
Naglaho na connection sa isang institution.
Samatala naman si Tony Tuviera noon,
‘Di pa rin pala tumitigil sa kanyang misyon,
Inalok kaming muli Student Canteen tapatan,
Naisip ko — tatagal lang kami ng isang b’wan!
Ngek! At bakit naman hindi eh ang buong nasyon
Ang sabi sa Student Canteen, “Institusyon na ‘yon!”
Kami nga’y proud na rin dahil naging bahagi nun
Kahit kami’y pinch-hitters lang o pang-substitution.
So to cut the story short tinanggap na rin namin
Para naman may trabaho at merong makain,
Kaya nung July 30, 1979 din —
Aming Eat, Bulaga sa Channel 9 started airing.
And the rest… (hindi history) ‘yung “rest” na pahinga
Ay hindi na at hindi pa natin nakikita
Dahil mula nun hanggang ngayon… 33 years na,
Sabi nung host na, “…tuloy n’yo lang!” …tinutuloy pa.
- Latest
- Trending