'Walang Magawa Eh!'
Tutal ay kapapasok lang ng bagong taon
At s’yempre puro putukan ang sumalubong,
Kaya eto na’t sasabog at dadagundong —
‘Di supot na paputok ni Joey De Leon.
Some years ago, because of the arrest of that “Shoe Bomber,” we are now suffering the burden of removing our footwear as part of thorough inspection and security check whenever we fly especially entering the United States.
And now, after that failed bomb attempt of a Nigerian fanatic on an American aircraft by hiding the explosives in his underpants, does this mean that we will all be removing our underwear this time as part of inspection? Ngek!
Mga bomba ng terorista ngayo’y patok
Na itinatago sa lugar na may bantot,
Una’y sa sapatos; sa singit ang sumunod,
Tutukan ang kilikili at d’yan puputok!
Ano na nangyari’t biglang nakakatakot
Ang ngayo’y lumipad; kung saan magsusuot?
Mga modernong teknolohiya’y nalaos,
Kahit sinong terorista’y nakakalusot.
Mas maganda yata nang ‘di nakakalungkot —
Pakita na mula tuktok hanggang kuyukot;
Pati ngala-ngala; lahat ng isusuot —
Pagt’yagaan na ‘yun kaysa naman matepok.
* * *
Sino kayang t---a nagpauso’t nagsabi
Ng katwira’t reaksyong — “Walang magawa eh!”?
Nakasisiguro akong hindi babae,
Malamang si Adan nang mauna s’ya dine.
Ikaw man s’yat nag-iisa ka lang sa mundo
At ‘di mo alam mga nasa paligid mo;
At kung para saan mga bagay na ito —
Masasabi rin, “Walang magawa eh!”... Mismo.
Sigurado akong hindi rin n’ya alam
Kung para saan maging hubad n’yang katawan,
Nalama’t nagamit lang nang si Eba’y datnan
Matapos makamit bawal na karunungan.
At madalas ko ngang biro’t alam kong mali,
‘Di nga kayat nilagyan ng dahon ang ari
Ay sa kadahilanang hindi n’ya mawari
Kung puno o tangkay sa kanyang pagsusuri.
Si Eba’y may dahon din sa ibang larawan,
Kung wala pang malisya iba ang dahilan,
Hindi kaya ang kanya kaya lang tinakpan,
Nang ‘di langgamin mula sa “puno” ni Adan.
Subalit sang-ayon daw sa usapang seryo,
Paglalagay ng daho’y isang simbolismo
Na nagkaroon ng hiya ang unang tao
Matapos magkasala’t naging makamundo.
Ngunit kung sisilipin mo nang malaliman,
Ang unang “walang magawa” ay ang naglalang!
Ngek! Lahat ito’y medyo may kaguluhan,
Maging “pagpaparami”— sinabi ba kailan?
Bago pa man sumuway si Eba at Adan,
Hindi ba nauna na silang sinabihan
Na humayo na’t lahi nila ay dagdagan?
O, eh di kanino ngayon ang kasalanan?
At kung ang lumikha pala’y may magulang pa
At s’yay tanungin tungkol kay Adan at Eba;
Kung bakit n’ya ginawa at hinulma sila,
Malamang — “Walang magawa eh!” — ‘yan sagot n’ya.
At baka sagutin pa tayo nang pabalang,
“Kanya-kanya ‘yan, wala kayong pakialam!
Eh sa talagang walang magawa eh! ‘Yun lang!”
May magagawa ba tayo? T’yak wala ‘igan.
Wala na tayong magagawa’t nand’yan na ‘yan,
Ang mahalaga: linyang ‘yay ating iwasan,
Dahil ‘tong daigdig ating ginagalawan
May magagawa kahit sa mga “wala” d’yan.
“Walang magawa eh!” — sa aki’y binalita
Ng ina ng sampung batang mukhang kawawa,
‘Yun din ang tugon ng ama’ng nakahilata —
Dahil walang magawa, bata ang ginawa.
Kaya lang naisip at naisulat ito
Ay sa dahilang wala ring magawa ako,
Siyam na oras ang lipad ng eroplano
At naiisip tuloy ang kung ano-ano.
Ngunit sa isang banda’y may punto rin ako,
Sa bagong taon magandang simula ito —
Ang gawin ay gumawa ng gawaing bago
At “Walang magawa eh!” kalimutan ninyo.
Taon ngayon ng tigre ibigay bagsik mo
Sa paggawa at sipag; bangis sa trabaho,
Mag-isip ng mabuti’t magbanat ng buto,
Mas mahimbing ang tulog pag nahapo tayo.
Sa himpapawid bihira akong matulog,
Sa isip at sulat sarili ko’y binubugbog,
Pinapaalala muli ng inyong lingkod
Na mas masarap matulog kapag napagod.
Mahalaga sa mga ginagawang ito
Ay naaaliw ka at nagugustuhan mo,
Dahil kahit ano pa’t sumakit ang ulo,
Agad na itigil hindi para sa iyo.
Pero sana’y ‘wag lang dumating at mangyari
Ang araw mga terorista ay magsabi
Na kaya nila ginagawa ito’y kasi
Ay wala lang talaga silang magawa eh!
* * *
At kung wala kayong magawa, watch Joey’s Quirky World before S.O.P. and Wow, Mali! on TV5 after Front Act.
At wala akong magawa kundi ang pasalamatan ang lahat ng Pinoy na nakasalamuha namin ng aking pamilya sa aming Christmas and New Year vacation mula sa Rome, Florence, Pisa, Venice, Milan, Abu Dhabi and Dubai. Pasensya na po at marami kaming napuntahan — walang magawa eh!
- Latest
- Trending