Sara ‘may tulog’ sa SALNs
May tatlong paglabag si Sara Duterte batay sa kaniyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth. Ayon ‘yan sa media interviews ng mga dekano ng law schools at eksperto sa Konstitusyon.
Linahad sa Senate ang SALNs ni Sara bilang vice mayor, mayor, at Vice President nu’ng 2007-2025. Nakalista ang 18 kumpanyang pag-aari nila ni asawang Manases Carpio. Ito ang mga lumitaw:
l Aktibong board director si VP Sara nu’ng 2022-2025. Batay ‘yan sa General Information Sheets at Audited Financial Statements na sinumite sa Securities and Exchange Commission.
Nilabag niya ang Article VII, Executive Department, Section 13 patungkol sa President, VP, Cabinet secretaries, Usecs., at Asecs. Bawal sila magkaroon ng ibang trabaho o propesyon, o lumahok sa negosyo.
l Lumobo ang net worth ni Sara nang 1,280% mula 2007 hanggang 2025. Pinalabas niya sa SALNs na dahil ito sa kinita niya sa mga kumpanya. Pero batay sa mga sinumiteng papeles sa SEC, wala halos kinita ang mga kumpanya nu’ng panahong ‘yon. ‘Yong iba pa nga ay negatibo ang income, ibig sabihin ay lugi.
Lumalabas na nagsinungaling si Sara sa sinumpaang SALNs. Kung inosenteng nagkamali sa isang SALN, maari itong ituwid sa susunod na taon. Pero paulit-ulit ang paglista ng mga kumpanya. Sadyang pagkukubli.
l Isa sa 18 sinumpaang kumpanya niya ang GenCorp Industries. Pero sa SEC papers ay wala ang pangalan niya. Nakalistang 55% owner ay JTC Group ni Jaime Tan Cruz, opisyal ni President Rody Duterte.
Kontratistang caterer sa Davao city hall ang GenCorp na pag-aari daw ni Sara. Kung ganon ay graft and corruption, dahil Davao city mayor ang kapatid niyang Sebastian “Baste” Duterte.
Ani Baste hindi niya alam na may-ari ng GenCorp si Sara. Pero inamin niya na 19 ang naging kontrata nito sa city hall, kabuuang P33.26 milyon. Labing-tatlo raw doon ay kumpleto na.
- Latest


















