Harana
Dear Dr. Love,
Kahit na ako’y isinilang noong taong 2000 gusto kong maranasan ang kakaibang kaugalian ng ating mga ninuno, tulad ng harana.
Tawagin mo na lang akong Lala, 25 anyos at dalaga pa.
Maraming dumiskarte sa akin na kapwa ko millenials pero ewan ko ba kung bakit makaluma ang ugali ko, kaya siguro uma-bot ako sa ganitong edad.
Sabi ng pinsan ko, may isang barrio sa aming lalawigan sa Aurora ang may mga nanghaharana pa. Komo Christmas break noon, sabay kaming nagbakasyon doon ng pinsan ko.
Ipinakilala ako sa mga kabataan doon na sa tingin ko’y mas bata pa sa akin.
Ang mga binata ay moderno nang manamit at walang pinagkaiba sa mga Manileño.
Noong gabi nga ay may nangharana sa akin. Walang dalang gitara kundi isang portable karaoke.
At nang magsimulang umawit at hindi kundiman ang narinig ko kundi modern rap.
Natawa ako nang makinig kami ng pinsan ko.
Patay na ba talaga ang kulturang Pinoy?
Lala
Dear Lala,
Lahat ay nagbabago at nagagandahan man tayo sa sinaunang kaugalian o kultura, sa ayaw natin o gusto, maglalaho ito sa takdang panahon.
Ang pagbabago ay dapat nating tanggapin basta’t hindi ito makasisira sa ating mabuting ugali at pananampalataya sa Diyos.
Makuntento na lang tayo sa panonood ang mga lumang pelikula noong panahon nina Rogelio dela Rosa at Carmen Rosales para i-appreciate ang mga makalumang kaugalian.
Dr. Love
- Latest