Namihasa sa pagka-senyorito
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Andrew, 34-anyos at may asawa.
Lumaki ako na senyorito dahil lubha akong pinamper ng aking mga parents na ngayo’y pareho nang patay. Hindi mayaman ang aking mga parents kaya nang sabay silang mamatay sa isang car accident, wala silang naipamana sa akin. Hindi rin ako nakatapos ng college.
Nang mag-asawa ako, misis ko ang naghahanapbuhay at ako ang humarap ng tungkulin na isang maybahay sa tahanan. Mabuti at hindi kami nagkaanak. Mahal na mahal ako ng misis ko at nagpatuloy ang pagiging senyorito ko.
Pero inatake sa puso ang misis ko at namatay kamakailan. May nakuha naman akong pera sa insurance niya pero nangangamba ako paano kapag naubos na ito. Pagpayuhan mo po ako.
Andrew
Dear Andrew,
Talagang mauubos ang pera mo kung batugan ka. Maghanapbuhay ka at huwag maging mapili. Pero anong trabaho ang mapapasukan mo kung hindi ka nakatapos ng college? Kahit janitor, pasukin mo basta makaraos ka lang sa araw-araw.
Masyado ka kasing nahirati sa buhay senyorito kaya tumanda ka na walang alam sa buhay. Kung hindi ka matututong magbanat ng buto, malamang darating ang araw na sa lansangan ka na matutulog.
Dr. Love
- Latest