May makalat na mister
Dear Dr. Love,
Isa po ako sa mga tagasubaybay ng inyong column at ngayon ay humihingi po ako ng inyong payo bilang isang misis na medyo nauubos na ang pasensya sa ugali ng aking asawa.
Ako po si Luming, 38 taong gulang, may dalawang anak, at labing-isang taon nang kasal sa aking mister na itago na lang natin sa pangalang Domeng. Mabait po siya, masipag sa trabaho, at mapagmahal na ama. Pero may isa po siyang ugali na talaga namang hindi ko na po matanggap: sobrang kalat niya sa bahay!
Hindi po biro, Dr. Love. Kung saan-saan niya iniiwan ang gamit niya — medyas sa sala, brief sa banyo, pantalon sa lamesa, at minsan pati kutsilyo ay hindi na niya naibabalik sa kusina matapos gamitin. Paulit-ulit ko na po siyang pinagsasabihan pero parang bingi. Ang masakit pa, kapag nawawala ang gamit niya, ako pa ang sinisisi!
Napapagod na po ako. Para po akong may isa pang anak na kailangang linisin ang kalat araw-araw. Gusto ko naman po siyang unawain, pero hindi rin niya ako nauunawaan. Hindi ko na alam kung paano ko siya matuturuan ng kaayusan na hindi hahantong sa matinding pagtatalo.
Luming
Dear Luming,
Unang-una, hindi ka katulong o yaya. Asawa ka. Kaya ‘yung gawi ni Domeng na magkalat na parang binata pa ay hindi na cute— nakakainis na.
Sabihin mo sa kanya ng diretso, “Hindi ako taga pulot ng brief mo.” Kung kaya niyang ma-ging responsable sa trabaho, kaya rin niya ‘yan sa bahay. Hindi puwedeng puro lambing, tapos ikaw ang maglilinis ng lahat ng iniwan niyang kalat. Hindi ito usaping maliit. Respeto ‘to. Kung hindi siya matututong rumespeto sa espasyo mo, baka kailangan mong sabihan siya na sa bodega na matulog — doon, puwede siyang magkalat buong magdamag.
Sa relasyon, ang tunay na pagmamahal, hindi lang sa “I love you,” kundi maging sa pagsasaayos ng gamit pagkatapos gamitin.
Gisingin mo si Domeng — habang hindi pa siya totally makalat pati sa ugali.
DR. LOVE
- Latest