Video game addict
Dear Dr. Love,
Anim na buwan pa lang kaming kasal ng akong asawa. Nung yayain niya akong magpakasal, perfect ang tingin ko sa kanya. Tawagin mo na lang akong Regina, 22 anyos at magkasing-edad kami ng mister kong si Paul.
Wala naman akong ibang maipipintas sa kanya maliban sa pagiging adik sa video games. Madalas, inaabot siya ng alas dos ng madaling araw sa paglalaro. Hindi sana problema ‘yun pero nakakaistorbo siya sa aking pagtulog.
Pareho kaming empleyado sa isang kompanya at parehong maaga kung pumasok. Kaso, madalas akong inaantok sa trabaho dahil kulang ako sa tulog at hindi ako sanay sa puyatan na katulad niya.
Kapag pinagsasabihan ko siya, siya pa ang may ganang magsabi sa akin na masuwerte ako dahil video games lang ang bisyo niya at hindi siya mambababae, umiinom at nagsusugal.
Kung maglaro kasi siya ay sa mismong kama namin habang nakahiga at bukod sa malakas ang audio, sigaw pa siya nang sigaw kapag nakaka-score. Pinagsasabihan ko siyang tumahimik pero hindi ko siya mapigilan. Minsan na kaming nag-away dahil sa bisyo niya at nilayasan ko siya at nagbalik ako sa a-king mga magulang.
Pero kinabukasan ay sinusundo niya ako at nangangakong hindi na siya mag-iingay sa paglalaro. Pero matapos lang ang ilang araw ay balik ang dati niyang ugali. Ano ang gagawin ko?
Regina
Dear Regina
Kung hindi siya maawat sa masama niyang bisyo, sabihin mo sa kanya na huwag siyang maglaro sa inyong silid kundi sa salas para hindi ka niya maistorbo. Ano ba iyang mister mo?
Parang mentally retarded.
Alam mo, mukhang maliit na bagay ang problema mo pero kung tutuusin, puwedeng maging ground iyan for annulment kung hindi siya magbabago. Maaaring ituring iyan na mental incapacity.
Kung pinupuyat ka niya gabi-gabi, maaaring makaapekto iyan sa inyong kalusugan.
Kausapin mo siyang mabuti at iyan ang ipaunawa mo sa kanya.
Dr. Love
- Latest