Pera lagi ang Pinag-aawayan
Dear Dr. Love,
Wala sanang problema ang pagsasama naming mag-asawa maliban sa madalas naming pagtatalo na ang dahilan ay pera. Tawagin mo na lang akong Nilo, 31 anyos, may asawa at isang anak.
Hindi naman maliit ang kinikita ko bilang supervisor sa isang pabrika. Nagneneto ako ng isandaang libong piso isang buwan at may sarili naman kaming bahay na namana ko sa aking mga magulang porke kaisaisang anak lang ako.
Hindi rin kami maluho sa pagkain at ang anak namin ay tatlong taong gulang lamang at hindi pa nag-aaral. Pero nagtataka ako kung bakit madalas kaming kapusin. Nade-delay ang pagbabayad namin sa kuryente at ilaw, at malaki ang utang na binabayaran namin sa tindahan.
Kapag tinatanong ko kung bakit, nagtataas ng boses ang misis ko at sinasabing pinaghihinalaan ko siyang naglulustay sa aming pera.
Kaming mag-asawa ay wala ring luho sa katawan. Hindi kami madalas bumili ng aming personal na damit o alahas. Gayunpaman, wala kaming savings sa bangko.
Pagpayuhan mo po ako.
Nilo
Dear Nilo,
Para walang away, sabihin mo sa misis mo na isulat sa isang notebook ang lahat ng binibili niya araw-araw, pati na ang ibinabayad sa ilaw at tubig. Mas mabuting mayroon kayong sistema para malaman ninyo kung saan napupunta ang kinikita mo.
Mahalaga rin na may savings kayo dahil diyan kayo huhugot sa panahon ng kagipitan. Sa isangdaang libong income mo, isubi mo ang sampung porsyento na katumbas ng sampung libo na idiposito mo sa bangko. Ang nobenta mil ay malaking halaga na at sobra-sobra sa gastusin ninyo sa loob ng isang buwan.
Mag-usap kayong mabuti ng misis mo. Baka naman tumutulong siya sa kanyang pamilya nang lingid sa iyong kaalaman. Walang masama diyan, basta alam mo ang mga personal niyang problemang dapat tustusan.
Dr. Love
- Latest