Huwag magmadali
Dear Dr. Love,
Huwag na lang po ninyong banggitin ang totoo kong ngalan at tawagin n’yo na lang ako sa alyas na Windy, 18-anyos po ako at malapit nang magtapos sa kursong Masscom sa darating na taon.
May boyfriend po ako at tawagin ninyong Edcel. Nasa ibang college siya sa aming pamantasan at architecture ang kinukuha.
Nagkakilala lang kami sa campus dahil sa isang common friend. Nanligaw siya sa akin at hindi nagtagal ay nagkaroon kami ng relasyon. Adopted child si Edcel at pinag-aaral siya ng kanyang foster brother na nagtatrabaho sa abroad.
Nang malaman ng kapatid niya ang tungkol sa amin, pinagbawalan na siyang makipagtagpo sa akin. Pag-aaral muna raw ang asikasuhin.
Mula noon ay hanggang text na lang kami pero naiinis ako dahil masyado siyang masunurin sa kapatid at ibig ko nang makipag-break.
Dapat ko bang ituloy ang relasyon sa lalaking walang paninindigan at hindi maipaglaban ang relasyon namin?
Windy
Dear Windy,
Sa tingin ko, mabuting bata ang iyong kasintahan dahil priority muna niya ang edukasyon kaya siya sumusunod sa kanyang kapatid.
Marahil naisip niya na kung patitigilin siya sa pag-aaral dahil patuloy ang inyong relasyon, paano na ang inyong kinabukasan?
Huwag kang mainis sa kanya kundi hangaan mo siya kung talagang mahal mo.
Kung itinalaga kayo ng Diyos para sa isa’t isa, pagdating ng tamang panahon ay kayo rin ang magkakatuluyan.
Anyway, konting panahon lang ang hinihintay ninyo kaya huwag kayong magmadali.
Dr. Love
- Latest