Mataas ang pride
Dear Dr. Love,
Kakakasal pa lang namin ni Nonie. Biglaang kasal dahil hindi pumayag ang mga magulang ko na umuwi pa ako sa bahay nang minsang inuÂmaga kami ng uwi ni Nonie mula sa aming date.
Ipinatawag agad ni tatay ang mga magulang ni Nonie at noon din, pinag-usapan ang kasal sa huwes. Sinagot ng mga magulang ko ang lahat, na ipinagdamdam ng asawa ko. Dahil hindi man lang daw siya binigyan ng pagkakataon para makagawa ng hakbang para sa aming dalawa.
Tuloy kahit nagiging miserable ang buhay namin, dahil nakikipagsiksikan kami sa kanilang bahay ay hindi niya tanggap ang ideya ko na sa bahay na lang namin kami pansamantalang manirahan habang nag-iipon pa kami ng pang-upa kahit sa maliit na apartment.
May sarili po akong kuwarto sa aming bahay at tatlo na lang ang nakatira dun. Ang mga magulang ko at ang isang kapatid. Samantalang sa kanila, may dalawa siyang kapatid na babae at isang lalaki na kahati niya sa kuwarto. Nagpaubaya ito na sa sala na lang matutulog para sa amin.
Pero dahil nasa silid pa rin namin ang mga gamit ng kapatid ni Nonie, wala kaming privacy. Kahit tulog na ay kakatok si Dan para kumuha ng damit o anumang kailangan niya. Hindi naman pwedeng ilabas ang mga gamit dahil ayaw ng aking biyanan ng makalat.
Masyadong mataas ang pride ng asawa ko. Kahit mayroon naman akong kaunting naipon na puwedeng ipagsimula namin para kumuha ng mura-mura pero sarili naming apartment, ayaw niyang galawin ang pera ko. Ilaan ko raw sa paÂnganganak ko. Ayaw daw niyang may masasabi ang aking mga magulang. Pero ako naman ang nahihirapan.
Dr. Love, nangangamba rin po ako dahil napansin kong lumalayo ang loob ng asawa ko sa akin mula nang makasal kami. Paano na kaya ang sitwasyon namin kapag nagkaanak na kami?
Gumagalang,
Trishia
Dear Trishia,
Dumaraan lang si Nonie sa isang panahon ng transisyon mula sa pagiging isang binata na nagkapamilya nang biglaan. Tulad mo rin. Sikapin ninyong maunawaan ang bawat isa.
Huwag mo na muna siyang madaliin tungkol sa pagbukod ninyo .Hayaan mong makapaghanda siya at ipakita mong kaya mong umagapay sa buhay na kinagisnan niya. After all that is marriage all about.
DR. LOVE
- Latest