Kahit dala na si Ina
Dear Dr. Love,
Mayroon akong nakukursunadahang babae na nakilala ko sa birthday party ng isa kong auntie sa Makati City. Bukod sa maganda siya, parang ubod siya ng bait.
Kaibigan siya ng pinsan kong si Carol dahil naging kaklase niya ito sa college at ka-subdivision din nila si Ina. Kaya sa kanya ako lumapit para mapalapit at makapanligaw. Talagang love-struck ako kay Ina kaya kinabukasan din, tinawagan ko siya sa bahay nila para may follow up agad ang aming pagkikilala.
Naging madalas din ang pagbisita ko kina Carol para yayain si Ina na kumain sa labas kundi man ay para manood ng sine. Pero bago pa man ako makapagtapat kay Ina, kinausap na ako ng aking Mama at sinabing si Ina raw ay isang dala na o dalagang ina.
Bago anya ako ganap na malulong sa kanya, kailangang malaman ko na mayroon na siyang anak. Anak daw ito sa dating boyfriend na tumangging magpakasal sa kanya. Pero Dr. Love, sa halip na ikadismaya ko ang tungkol sa natuklasan ko kay Ina ay mas lalo akong nagkagusto sa kanya.
Nagtapat pa rin ako kay Ina. Sinabi niyang bago ako magsabing mahal ko siya dapat kong malaman ang madilim na nangyari sa kanyang buhay. Na nagkaroon siya ng anak sa isang lalaking huli na nang malaman niyang mayroon palang asawa. Lalo ko siyang minahal dahil ayaw niya akong dayain. Ang mahalaga kako, nagmamahalan ang dalawang tao.
Dr. Love kahit sa unang pagkakataon ay binali ko ang payo ng aking Mama, sa huli maging siya ay napamahal na kay Ina. Maligaya kaming nagsasama ngayon bilang mag-asawa.
Maraming salamat po at mabuhay kayo.
Gumagalang,
Waldo ng Parañaque
Dear Waldo,
Tunay na hahamakin ng pag-ibig ang lahat, masunod lamang. Ito ang pinatunayan ng tapat na intensiyon mo kay Ina. Humahanga ako sa kadakilaan ng pag-ibig mo para sa kanya. Dahil hindi mo tiningnan ang kanyang nakaraan bilang isang mantsa, na dapat i-reject. Sa halip ay nagpatuloy ka sa iyong pagpupursige kaya nakita mo ang higit sa katangian ng babaeng iyong minamahal.
Maaaring si Ina ay biktima lamang ng mapaglarong lalaki, na inakala niyang tapat sa bawat pangakong binitawan. At gaano man naging mapait ang kanyang nakaraan, dahil mananatiling matuwid-tapat sa mga lalaking nahuhumaling sa kanya… ibinigay sa kanya ang gaya mo na tunay ang pagmamahal.
Hangad ko ang patuloy na kaligayahan sa inyong pagsasama. At nawa sa takdang panahon ay magbunga ito para sa higit na pagtatag ng inyong pagsasama bilang mag-asawa. God bless.
Dr. Love
- Latest
- Trending