Nawawalang asawa
Dear Dr. Love,
Greetings. Tawagin mo na lang akong Zen, 37 anyos at hiwalay sa asawa.
Basta na lang ako iniwan ng asawa ko at simula noon ay hindi ko na nakita. Five years na kaming walang communication. Sinubukan ko siyang hanapin sa facebook pero hindi ko natagpuan. Marami siyang kapangalan pero hindi siya.
Ayaw ko nang makipagbalikan sa kanya pero gusto ko sana na maging legal ang paghihiwalay namin.
Mayroon kasing nanliligaw sa akin na nagugustuhan ko. Ibig ko sana’y magkaroon ng annulment ang kasal namin. Ano ang gagawin ko?
Zen
Dear Zen,
Legal na usapin iyan na abogado lang ang makasasagot. Puwede kang kumonsulta sa abogado para malaman mo ang mga tamang hakbang na dapat gawin.
‘Di pangkaraniwan na hindi mo man lang malalaman kung nasaan siya sa loob nang matagal na panahon. Puwede sigurong magpalathala ka sa pahayagan at baka kung hindi siya, mayroon siyang mga kaanak na makasasagot sa kinaroroonan niya.
Pero sana, ang balak mong pag-aasawa muli ay maging wasto na para hindi na maulit ang masaklap mong karanasan.
Dr. Love
- Latest
- Trending