^

Dr. Love

Dahil dinaya ang pagtitiwala

-

Dear Dr. Love,

Hindi ko akalain na susurutin ako ng budhi sa ginawa ko noong pakikipagkalas kay Marcia para pakasalan ang isang naunang girlfriend dahil sinabi­ niyang nagdadalang-tao na siya.

Ang unang girlfriend ko ang siya talagang napu­pusuan ng parents ko para sa akin. Pero nang makilala ko si Marcia, nabago ang lahat.

Nagbabakasyon lang noon si Marcia sa aming­ lugar at sa maikli naming pagkakakilala, alam kong siya ang mas mahal ko. Pero dahil ipinagtapat ng aking­ girlfriend na si Lorna na nagkabunga ang aming­ malimit na pagkikita, na sinabi rin niya sa aking­ mga magulang… wala na akong nagawa kundi maki­pagkalas kay Marcia para magpakasal sa kanya­. Huli na nang matuklasan ko na niloko lang ako ni Lorna at wala pala siyang dinadalang sanggol.

Nalaman pala niya ang relasyon namin ni Marcia­ kaya gumawa siya ng paraan para ako ay magpakasal sa kanya. Hindi naging maganda ang pagsasama namin ni Lorna dahil nga natuklasan ko na si Marcia ang tunay kong mahal.

Pero wala na akong magawa. Kasal na kami. Isa pa, hindi ko na alam kung nasaan na si Marcia dahil bakasiyonista lang siya sa aming lugar.

Mabilis  na lumipas ang maraming taon, wala pa rin kaming anak ni Lorna dahil mayroon pala siyang diperensiya sa obaryo. Lalong tumindi ang ngitngit ko sa kanya. Gusto ko na siyang hiwalayan. Pero nakiusap siya sa akin. Tatanggapin daw niya ang lahat ng galit ko, pero hindi siya makikipag­hiwalay sa akin.

Dito ko naisakatuparan ang matagal ko nang gusto na hanapin si Marcia. Pero nang malaman ko ang kinalalagyan niya, masaya sa maalwang buhay kasama ang kanyang asawa at dalawang anak…hindi ko na nagawang lumapit pa sa kanya.

Ang damdam ko, nakarma ako. Dinaya ko kasi ang pagtitiwala noon ni Marcia  at hindi ko sinabing mayroon na akong girlfriend nang ligawan ko siya. Huli na ang pagsisisi. Ang dalangin ko lang, manatiling maligaya ang pagsasama nilang mag-asawa para naman gumaan ang kargo de konsiyensiya ko.

Maraming salamat po at more power.

Dante

 

Dear Dante,

Maaaring nagkamali ka noon. Pero kahit paano ay naitama mo na ito, sa pamamagitan ng hindi na paggambala sa masayang pamilya ng babaeng mahal mo. Wala na tayong magagawa sa naka­lipas, kaya ang hinaharap ang pagtuunan mo. Sikapin mong mapatawad at bigyan ng atensiyon ang babaeng pinakasalan mo. At huwag sanang mawaglit sa isip mo ang malaking leksiyon na hatid ng iyong mga maling desisyon sa buhay. Hangad ko ang kaligayahan para sa inyo ni Lorna.

Dr. Love

vuukle comment

DEAR DANTE

DR. LOVE

HULI

LORNA

MARCIA

PERO

SHY

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with