Uuwi sa tatay
Isa po akong menor de edad, 15 taong gulang at kasalukuyang kasama ng aking ina nang magkahiwalay sila ng aking ama.
Sa pagkaalam ko, dumaan sa korte ang hiwalayan ng aking mga magulang at dahil walang trabaho ang aking ama, ang pangangalaga sa akin ay ipinagkaloob sa aking ina. Hindi ko po gusto na maghiwalay ang aking mga magulang. Dati masaya naman ang aming pamilya at sa hindi ko malamang dahilan bigla na lang naging magulo ang aming tahanan. Laging nag-aaway ang dalawa. Ito ay nagsimula nang hindi na nakakasakay sa barko ang aking tatay dahil isa siyang seaman. Tumagal po na walang trabaho ang aking tatay at nahilig na ito sa pag-inom ng alak at pagsusugal.
Mula nang magkahiwalay sila, lumuwas na kami ng nanay ko sa Maynila at nang makakita siya ng trabaho mula sa dating pakikisuyo sa isang tiyahin, nangupahan na siya ng apartment. Nasa high school na ako nang magkaroon ng bagong boyfriend ang nanay ko at nang magtagal-tagal, nagsama na sila at ngayon nga, malapit na akong magkaroon ng kapatid.
Nalulungkot po ako miss ko na po ang tatay ko at gusto kong umuwi sa kanya sa probinsiya. Total mayroon pa naman akong lolo at lola sa father side, gusto ko munang doon tumira. Pero nang sabihin ko ito sa aking ina, tumanggi siya. Magiging pabigat lang daw ako sa mga lolo at lola lalo pa’t ang ikinabubuhay nila ay bigay lang ng iba nilang anak.
Gusto ko nang umalis kahit walang pahintulot ng nanay ko. Payuhan mo po ako. Maraming salamat po at itago mo na lang ako sa pangalang Kristina. Hihintayin ko po ang kasagutan ninyo at mahalaga ninyong payo.
Kristina
Dear Kristina,
Maaaring may dahilan ang mga magulang mo sa paghihiwalay nila. Matagal na kayong umalis sa probinsiya pero ni hindi ka man lang hinabol ng tatay mo. Tulad ng iyong ina, wala ba siyang bagong mahal sa buhay o ibang pamilya? Subukan mong sulatan muna siya at ipaalam ang kalagayan mo. Dito mo makikita kung ang pagbabalik mo sa iyong ama ay isang welcome development para sa kanya.
Ang pakiusap lang ng pitak na ito, huwag kang aalis sa poder ng iyong ina na wala kang tiyak na pupuntahan. Maaaring hindi mo lang tanggap na magkakaroon ka na ng kapatid. Kaya gusto mong lumayo. Subukan mo uling pakiusapan ang ina mo na magbabakasyon ka sa tatay mo.
Ang tinitiyak ng pitak na ito, kapwa ka mahal ng magulang mo. Ang mga anak ay mayroong mga hindi nalalamang tunay na dahilan kung bakit nawawala na ang dating pagmamahalan ng mag-asawa. At marahil sa tamang panahon, sasabihin ito sa iyo ng iyong ina.
Dr. Love
- Latest
- Trending