Ginawang panakip-butas
Dear Dr. Love,
Isa pong masaganang pangungumusta mula sa masugid na tagasubaybay ng inyong column.
Sumulat po ako para maibahagi ang karanasan sa pag-ibig. Minsan sa aking buhay, Dr. Love ay may nagustuhan akong babae, si Myra na ilang taon ‘kong niligawan kahit pa hindi nakakatiyak na mapapasagot. May boyfriend kasi siya noon.
Pero nadaan din sa pagtitiyaga, naging kami at nagpakasal. Walang kapantay ang kaligayahan ko noon.
Higit pa dito ang inaasahan ko sa aming unang gabi, pero nabalot ng agam-agam ang magdamag na iyon.
Dahil ipinagtapat ni Myra na tatlong buwan siyang buntis at ang ama ay ang nang-iwan niyang boyfriend. Gayunman nangibabaw ang malaking pagmamahal ko kay Myra at sinabing bibigyan ko ng pangalan at aaring sa akin ang bata.
Hindi nagtagal, nangyari ang pinangangambahan ko. Nakikipaghiwalay si Myra dahil binalikan na raw siya ng boyfriend niya. Sa galit, nasampal ko siya. Dahilan para umalis siya tangay ang bata.
Isang liham na lang ang aking tinanggap mula kay Myra at humihingi ng tawad sa ginawa niya sa akin. Hiyang-hiya ang mga magulang niya sa nangyari. Nagpaubaya na ako. Nangibang-bansa para makalimot. Pero hanggang ngayon ilag pa rin ako na magmahal uli.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham ko at sana gaya ko ay may matutunan ang mga mambabasa ninyo sa karanasan ‘kong ito.
Gumagalang,
Edwin
Dear Edwin,
Bagaman masakit ang karanasan mo sa pag-ibig dahil mistulang panakip-butas ka sa mga nangyari. Huwag sana itong maging daan para tuluyan mo nang ipinid ang puso mo na muling magmahal.
Mabuti kang tao at natitiyak kong may naghihintay na kaligayahan para sa iyo. Life must go on. Hindi naman si Myra lang ang babae sa mundo. Maraming iba pang karapat-dapat para sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending


















