Gustong itakwil ang tukso
Dear Dr. Love,
Isa pong mataos na pagbati sa inyo at sa lahat ninyong mahal sa buhay at kasamahan sa PSN.
Ako po si Randy Aodasan, 26 taong gulang na mula sa Negros Occidental. Sa kasalukuyan po, ako ay nasa pambansang bilangguan para pagsilbihan ang hatol na iginawad ng korte matapos maaresto sa kasong carnapping at iba pang krimeng kinasangkutan ko noong ako ay nasa malayang lipunan.
Bata pa lang ako, to be precise, kinse anyos lang nang matuto akong gumawa ng masasamang aktibidad. Ang akala ko noon, sikat ako, kinatatakutan at parang walang kamatayan kung kasama ko ang aking mga kabarkada.
Lulong na kami sa mga bisyo, alak, sugal, sigarilyo at natuto na ring gumamit ng bawal na gamot. Dahil sa aking barkada, natutuhan ko ang lahat ng mga bisyong ito.
Masayang-masaya ako noon. Parang akin ang mundo. Ang hindi ko alam, naka-tip na pala ako sa mga awtoridad. Sa kanilang pagsubaybay sa akin, nahuli ako sa kasong carnapping.
Pinasok ko na rin ang maruming gawaing ito para matustusan ang aking mga bisyo at tumabo ng malaking salapi.
Nang maaresto ako, noon ko nadama ang takot, ang mangamba sa aking seguridad. Natutuhan ko ang magdasal, magsisi at kamuhian ang sarili sa aking kahinaan. Wala akong maiturong pamilya. Kung mayroon man, alam kong sinumpa na nila ako dahil sa paglayas ko noon sa poder ng aking mga magulang.
Humihingi po ako ng payo at sana, magkaroon ako ng mga kaibigan sa panulat para makalimutan ko ang pangit na mga pinagdaanan.
Ang dalangin ko, sana sa paglaya ko sa kulungan, ganap kong maitakwil ang gawaing masama at mapaglabanan ko ang tuksong maaaring ipangrahuyong muli sa akin ng barkada.
Hangad ko po ang makabuluhan ninyong payo.
Gumagalang,
Randy Aodasan
Student Dorm
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Randy,
Walang masamang naitatago at walang masamang gawain na hindi nalalapatan ng parusa. Kung mayroon man patuloy na nakapagpapasasa sa kasamaan at hindi nabibigyan ng hustisya ang kanilang masamang gawain, may ibang kaparaanan ang Maykapal sa pagpataw sa kanila ng katarungan.
Siguro, nahuli ka at inibig ng Panginoon na mabilanggo ka para maputol na ang ginawa mong pamumurwisyo at mapagsisihan mo ang kasalanan sa mas maagang panahon.
Sa sandaling lumaya ka na, makabubuting layuan mo ang mga kaibigang magbubulid lang sa iyo sa masama. Hindi madali ang magpakabuti lalo na sa isang dating bilanggo. Pero tibayan mo ang sarili sa mga tukso para hindi ka na mabalik sa piitan.
Pagbutihin mo rin ang pag-aaral mo diyan sa loob para may kaalaman ka sa mga bagay-bagay na makabubuti sa iyong sarili at sa paghanap ng trabaho.
Good luck sa pagbabagong buhay at sana, makalaya ka na nang mas maaga.
Dr. Love
- Latest
- Trending



















