Gusto mo o ikaw ang type?
Dear Dr. Love,
Ako po si Marc, 24-anyos, at isang binatang litong-lito sa pag-ibig. Hihingi po sana ako ng payo kung sino ang dapat kong ligawan sa dalawang babae sa buhay ko.
Una ay si Clara, ang babaeng matagal ko nang gusto.
Sinubukan ko na siyang pormahan noon pero malinaw niyang sinabi na hanggang magkaibigan lang kami.
Gayunpaman, umaasa pa rin akong magbabago ang isip niya kung patuloy akong magsisikap.
Pangalawa ay si Bea, isang mabuting katrabaho na alam kong may gusto sa akin. Lagi siyang nandiyan at komportable ako sa kanya, pero hindi ko pa nararamdaman ang parehong lalim ng paghanga na mayroon ako para kay Clara.
Dr. Love, itutuloy ko ba ang panliligaw kay Clara kahit walang kasiguraduhan, o pipiliin ko si Bea kahit natatakot akong maging unfair at gawin lang siyang panakip-butas?
Marc
Dear Marc,
Ang iyong sitwasyon ay pagpili sa pagitan ng taong hinahabol mo at ng taong naghihintay sa iyo. Ang payo ko, una, respetuhin mo ang “hindi” ni Clara. Ang patuloy na pagpipilit sa taong malinaw nang umaayaw ay hindi na pagmamahal kundi pagbabalewala sa kanyang desisyon. Huwag mong ubusin ang sarili sa taong sarado na ang pinto.
Pangalawa, huwag gawing panakip-butas si Bea.
Tama ang iyong pangamba—hindi patas na ligawan mo siya dahil lang sa komportable ka o bigo ka kay Clara. Karapat-dapat siyang piliin nang buong puso, hindi bilang pangalawang option.
Pinakamabuti na huwag ka munang pumili alin man sa kanila.
Dumistansya ka muna kay Clara para maka-move on, at panatilihin muna ang pagkakaibigan ninyo ni Bea nang hindi nagbibigay ng maling pag-asa.
Kapag malaya na ang puso mo, saka mo malalaman kung tunay na pag-ibig na ang nararamdaman mo para kay Bea.
DR. LOVE
- Latest















