Gustong mapatawad
Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo at sa mga tagatangkilik po ng Dr. Love.
Ako po si Bong, 32 anyos, may asawa at isang anak na babae. Halos anim na taon na akong OFW at 3 beses pa lang nakauwi sa ‘Pinas. Noong pangalawang uwi ko, nagkaproblema kaming mag-asawa. Nagselos po kasi ako matapos makita ang maraming numerong tumatawag sa kanyang cellphone. Pinabulaanan naman niyang may kinalolokohan siyang lalaki.
Sumama ang loob ko at naglasing ako. Sa kalasingan, nakipagtalik ako sa isang kapitbahay. Nang papalabas na ako sa bahay ng babae, nakaabang ang misis ko sa labas. Nag-away kami nung gabing ‘yun at nakikipaghiwalay, kinabukasan pabalik na ako sa abroad.
Nitong huling pag-uwi ko, hindi niya ako tinantanan sa katatanong kung ano ang ginawa naming ng babae, sinabi ko sa kanya ang lahat-lahat bago ako umalis. Sinabi ko rin na hindi na mauulit at pinagsisisihan ko na ang lahat. Nasa abroad na uli ako ngayon, halos 2 taon na rin akong humihingi ng tawad sa kanya maging sa mga magulang at kapatid niya. Pero hindi pa rin niya ako pinapatawad. Pinagsisihan ko na ang lahat ng ginawa ko at ako’y isang tao na may malinis na hangarin para sa pamilya. Sana po mapayuhan niyo ako, ano ang gagawin ko?
Maraming salamat and more power.
Bong
Dear Bong,
Hinusgahan mo ng husto ang misis mo, pero ikaw pala ang nagtaksil. Nangyari na ‘yan at hindi na kita sisisihin pa pero sana’y naging aral sa iyo ang iyong karanasan.
Ang payo ko, ligawan mo siya’ng muli. Padalhan ng bulaklak o tsokolate as if binata kang nanliligaw sa isang dalaga. Kaunting tiyaga dahil ikaw ang naging dahilan ng problema. Wika nga ng kasabihan, walang sugat na hindi naghihilom pagdating ng araw.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o PSN Libangan 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa [email protected].)
- Latest
- Trending