Umaasa kay misis
Dear Dr. Love,
Limang taon ang agwat ng edad namin ng misis ko at sa sampung taong pagsasama namin ay umaasa na ako sa kanya.
Isa siyang matagumpay na negsoyante at wala sa kalingkingan ng kinikita niya ang maliit na sinusweldo ko bilang clerk.
Siya ang nagpatayo ng tinitirhan namin, sa kanya rin nanggagaling ang pang-araw-araw na gastusin namin kasama ang pamasahe ko papasok ng trabaho. Maging ang personal na pangangailangan ko, katulad ng damit, pabango at iba pa ay siya rin ang sumasagot.
Dalawa lang ang anak namin na siya pa rin ang nagpapaaral.
Ang gumugolo sa isip ko ngayon ay ang natyempuhan kong pag-uusap ng aking misis at biyenan.
Narinig kong pinupuna ng biyenan ko ang maliit kong suweldo at wala akong naitutulong sa pamilya.
Napahiya ako sa sarili ko dahil tama naman siya. Lumiliit tuloy ang tingin ko sa sarili ko kahit wala naman akong naririnig na reklamo sa aking asawa.
Ano ang dapat kong gawin?
Daniel
Dear Daniel,
Kadalasan, ganyan ang obserbasyon tungkol sa mga biyenan, lalo’t sa tingin nila’y dehado ang kanilang anak sa kanyang asawa. Pero walang pakialam ang magulang sa buhay ng kanilang mga anak, maliban na lang kung pisikal na inaabuso.
Hindi ka naman batugan at nagkataon lang na maliit lang ang sahod mo. Hindi lang sa pinansyal ang silbi mo bilang padre de pamilya. Basta’t mabuti kang ama na gumagabay sa iyong mga anak at nagmamahal sa iyong asawa, hindi ka nagkukulang sa papel mo sa buhay.
Pero pwede ka naman humanap ng ibang trabaho na may mas magandang kita nang sa gayon ay magkaroon ka ng pagkakataon na makatulong sa mga gastusin ng inyong pamilya para hindi ka naman mamaliitin ng iyong bi-yenan.
Dr. Love
- Latest