Tinanggap ang kabiguan
Dr. Love,
Isang malugod na pagbati po sa inyo at sa lahat ninyong kasamahan sa PSN.
Nais ko pong humingi ng payo, Dr. Love. Ako po si Edwin, 22-anyos, detinido sa salang homicide dahil napatay ko ang isa sa mga lasing na nakaaway ng aking tatay ilang taon na ang nakalilipas.
Nagpatung-patong ang problema ko, kasunod ng pagkakulong ay namatay ang ate at tatay ko. Nagpatindi pa sa pagsubok ang pagtalikod sa akin ng babaeng minahal ko ng todo.
Halos maghuramentado ako noon nang mabalitaan kong kumakalas na siya sa aming usapan. Parang bata ako na nag-iiyak nang mabasa ko ang sulat niya. Hindi ko alam kung sino ang aking sisisihin sa nangyari sa aking buhay.
Pero ang lahat ng sakit ay natanggap ko rin nang magbalik-loob ako sa Diyos. Parang sinabi sa akin ng Panginoon na bawa’t pagsubok ay mayroong katapusan. Salamat sa Kanya na nagbukas sa aking isip na hindi Niya ako pababayaan.
Salamat din po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito.
Yours sincerely,
Edwin Aguas Gab
Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Edwin,
Malugod naming tinatanggap sa PSN ang iyong pagbati at nagpapasalamat din kami dahil sa tiwala mo sa pitak na ito.
Tama ang ginawa mong pagbabalik-loob sa Panginoon. Ang mga pagsubok na ito ang siyang ibayong nakapagpapatatag sa ating damdamin at sa ating pagtitiwala sa Kanya. Ipagpatuloy mo ang pagtawag sa Kanya at paghingi ng kapatawaran sa nagawa mong sala.
Patawarin mo na lang ang katipan mong tumalikod sa sumpaan. Makakatagpo ka rin ng iba na magmamahal sa iyo ng lubos.
Dr. Love
- Latest
- Trending














