Pinaasa lang ako
Dear Dr. Love,
Isa pong mapagpalang araw sa inyo kasama na ang lahat ninyong mahal sa buhay.
Kaya po ako lumiham sa inyo ay para maihinga ko ang sama ng aking loob sa pagkasawi ng aking pag-ibig. Kahit naman po ako isang hamak na bilanggo lamang, mayroon din po akong pusong madaling masaktan.
Ewan ko po kung madali kong malilimutan ang mapait kong karanasang ito sa pag-ibig. Ang hinanakit ko lang po, ang pag-ibig ay hindi dapat na ginagawang laruan lang. Lalo sa isang katulad kong nasa madilim na piitan.
Ako po ay nagkaroon ng kasintahan kahit nasa loob ng kulungan. Noong una, sa pamamagitan lang ng pagsusulatan.
Ang babaeng ito ay isang OFW sa Kuwait. At nagkakilala kami dahil sa isang co-inmate ko dito sa loob na ang asawa ay nagtatrabaho din sa abroad.
Lumalim ang aming relasyon nang sa tuwing umuuwi siya sa bansa ay dumadalaw siya sa akin sa piitan.
Ang akala ko, nakatagpo na ako ng isang babaeng totohanang magmamahal sa akin sa kabila ng aking madilim na kahapon.
Nagkamali pala ako. Tinutulan ang aming relasyon ng kanyang mga magulang at iba pang miyembro ng pamilya.
Noong una, ipinakipaglaban niya ang aming relasyon. Hanggang sa dumalang na nang dumalang ang pagsulat at pagbisita niya sa akin dito sa piitan.
Sa ngayon, wala na kaming komunikasyon. Ganap nang naputol ang aming pagsusulatan. Bumigay na rin siya sa pagtutol ng kanyang pamilya.
Naging masakit po sa akin ang karanasan kong ito. Talaga nga kayang wala nang pag-asa pang makabangon ang isang tulad kong bilanggo?
Nagsikap akong makabangon sa kinalugmukan kong pagkakasala.
Ang akala ko, magkakaroon ako ng isang magandang pagkakataong lumigaya sa kabila ng lahat. Pinaasa lang pala niya ako.
Hanggang dito na lang po at sana ay mabigyan ninyo ako ng kaukulang payo.
Maraming salamat po sa inyo.
Gumagalang,
Santi Santos
P.S. Hindi ko na po inilagay ang aking address dahil ang hangad ko lang po ay ang mahalaga ninyong payo.
Dear Santi,
Ituring mo na lang na talagang hindi kayo para sa isa’t isa ng dati mong nobya.
Huwag mo ring ganap na sisihin ang babaeng naging katipan mo kung tuluyan nang nalamuyot ng kanyang mga magulang ang kanyang puso para talikuran ka niya.
Maaaring labis niyang iginagalang ang kanyang mga matatanda kaya kusa niyang sinikil ang kanyang sariling damdamin.
Kahit naman wala sa piitan ang isang lalaki, hindi rin naman siya laging nakasisiguro na mauuwi sa kasalan ang pakikipagrelasyon niya sa isang babae.
Nawala man sa iyo ang dating nobya, makakakilala ka pa ng iba na magiging kataling-puso mo at kakasamahin hanggang sa libingan.
Ang karanasan mo sa pag-ibig ay higit na makapagpapatibay sa iyong dibdib para kung may dumating pang ibang unos, makakayanan mo itong malusutan o malampasan.
Huwag kang magmukmok dahil lang sa nabigo ka sa isang babae. Cheer up.
Dr. Love
- Latest
- Trending