Makulit ang suitor
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lang po akong “Mika.” May isang binata na patuloy na nanliligaw sa akin kahit ilang beses ko na siyang sinabihan na hindi ako interesado sa kanya. Hindi naman po siya masama, pero ayaw ko talaga siyang bigyan ng pag-asa.
Ang problema, parang hindi niya matanggap ang pagtanggi ko. Patuloy pa rin ang pagme-message, pag-aabang at pag-i-insist niya na baka sakaling magbago ang isip ko. Kaya napagbantaan ko siya ,na kapag hindi pa siya tumigil, isusumbong ko na siya sa mga magulang niya.
Hindi ko po alam kung tama ba ang ginawa kong iyon. Ayoko namang maging masama ang tingin niya sa akin, pero gusto ko ring respetuhin niya ang desisyon ko. Hindi ba dapat sapat na ang isang malinaw na “hindi”?
Mika
Dear Mika,
Walang masama sa pagtatakda ng hangganan. Ang panliligaw ay maaaring maging magandang simula ng relasyon, pero hindi ito lisensiya para ipilit ang sarili sa taong malinaw nang tumatanggi.
Kung sinabi mo nang maayos at malinaw na ayaw mo, dapat niyang igalang iyon.
Dahil sa pag-ibig, hindi sapat na gusto mo ang isang tao. Kaila-ngan mo ring matutong igalang kapag hindi ka niya gusto.
DR. LOVE
- Latest




















