Dahil sa panghihimasok ng mga magulang
Dear Dr. Love,
Unang-una, ang aking pagbati sa iyo sampu ng lahat ng staff ng Pilipino Star NGAYON at sa lahat ng masusugid na tagasubaybay ng iyong kolum.
Nais ko lang ibahagi ang aking kasaysayan ng pag-ibig. Tawagin mo na lang akong Cita, 27-anyos at may anak sa pagkadalaga.
Walong taong-gulang na ang aking anak sa kaisa-isang lalaking naging bahagi ng aking buhay.
Single parent ako hindi dahil salawahan ang aking kasintahang si Obet. Katunayan, uliran siya at huwaran sa kabaitan at pagka-responsible. Ang balak nga namin ay magpakasal at bumuo ng aming pamilya. Pero ang problema’y tutol ang aking mga magulang sa kanya.
Isa lamang jeepney driver si Obet at sabi ng mga magulang ko ay wala raw akong magandang kinabukasan kung siya ang mapapangasawa ko. Ngunit nagmamahalan kami at walang makakahadlang sa aming pag-iibigan.
Kahit nang mabuntis ako ay hindi napilit ang aking ama’t ina na ipakasal kami ni Obet. Bagkus, lalo kaming pinaglayo. Dinala ako ng aking mga magulang sa Davao at naiwang luhaan sa Maynila si Obet.
Hanggang sa mabalitaan ko na lang na nagpakamatay si Obet sa pamamagitan ng pagbibigti.
Sinisi ko nang labis ang aking mga magulang sa pangyayari. Na-realize din nila ng kanilang pagkakamali. Hangga ngayo’y hindi ko sila mapatawad dahil parang gumuho ang buong buhay ko nang dahil sa kanila.
Ngayon ay nabubuhay ako sa piling ng aking anak na tanging ala-alang iniwan sa akin ni Obet.
Hindi ako hihingi ng payo sa iyo dahil tanggap ko na ang aking kalagayan. Hangad ko lang na magsilbing inspirasyon ang love story ko at pansaway sa mga magulang na nakikialam sa problema sa puso ng kanilang mga anak. Bagama’t marami akong manliligaw ay wala pa akong napipili ni isa sa kanila na makakapantay ng aking yumaong si Obet.
Sana’y maging mabiyaya ang papasok na taon sa buhay mo, Dr. Love.
Cita
Dear Cita,
Very touching ang istorya ng buhay mo. Hindi ka man humihingi ng payo, sana’y huwag mong masamain ang sasabihin ko.
Ilagay mo na sa iyong likuran ang mapait mong lumipas at matuto kang magpatawad sa iyong mga magulang.
Lahat naman ng tao’y nagkakamali at kung ang Diyos ay marunong magpatawad, tayo pa kaya na mga kinapal lamang?
Harinawang maging aral sa mga magulang ang nangyari sa iyo. Pagdating sa suliranin ng puso, ang tungkulin lang ng mga magulang ay magpayo at gumabay.
Walang pakialam ang mga magulang kung sino man ang pipiliin ng anak. Pagpalain ka ng Diyos at masaganang Bagong Taon sa iyo at sa iyong anak.
Dr. Love
- Latest
- Trending














