Kinakaliwa ng asawa
Dear Dr. Love,
Sa bigat ng aking problema ay wala na akong ibang madudulugan pa kundi ikaw. Gulung-gulo na ang isip ko dahil sa bigat ng suliranin ko.
Tawagin mo na lang akong Brix, 47-anyos at isang barbero. Tatlong taon pa lang akong kasal at ang asawa ko ay 20-anyos lang nang pakasalan ko.
Kaso, may naririnig akong mga pangit na balita. Pinagtataksilan daw ako ng misis ko. Late akong nakapag-asawa dahil may dalawa akong kapatid na pinagtapos ng kolehiyo. Ngayong may pamilya na sila at maayos na trabaho ay ang sarili ko namang kaligayahan ang aking hinarap.
Pero sa halip na kaligayahan ay mabigat na problema ang idinulot sa akin ng pagpapakasal ko sa isang batambatang babae.
Hindi ko pa nakukumpirma ang balita pero may mga palatandang iniiputan ako sa ulo ng aking asawa. Minsan o dalawang beses isang linggo ay ginagabi siya ng uwi. Kung tatanungin ko ay galing lang daw siya sa kaibigan niya.
Buntis ang misis ko ngayon ay nangangamba ako na baka sa ibang lalaki ito. Ano ang dapat kong gawin?
Brix
Dear Brix,
Kailangang mag-usap kayo nang masinsinan ng asawa mo para malaman mo ang katotohanan. At kung duda ka sa mga sasabihin niya, subukan mo siya.
Napakatanga na lang ng isang lalaki kung ang pangangaliwa ng asawa niya ay hindi niya malalaman.
Kung mapatunayan mo, puwede kang mag-file ng annulment dahil ang tinatawag na marital infidelity ay isang matibay na ground para mapabawalang-bisa ang kasal.
Dr. Love
- Latest
- Trending














