Nagoyo
Dear Dr. Love,
Please, itago mo na lang ako sa alias na Ms. Blue. Ako’y isang OFW na nagtatrabaho rito sa
Biyuda na ako at may nakilala akong Pilipino rin dito. Nagtatrabaho siya sa ibang kompanya. Nagkagustuhan kami at dito nagpakasal.
Ang pakilala niya sa akin ay binata siya. Nang umuwi siya sa Pilipinas, ipinadala ko pa sa kanya ang lahat ng aking naipon na katumbas ng kalahating milyong piso.
Sabi ko ay tatapusin ko na lang ang aking kontrata at babalik na rin sa Pilipinas at diyan na lang kami magnenegosyo.
Pero mula nang umuwi siya limang buwan na ang nakalilipas ngayon, ni hindi siya tumatawag, nagti-text o sumusulat sa akin. Hindi ko siya makontak sa number na ibinigay niya. Gusto kong bumalik na kahit hindi pa tapos ang kontrata ko para maghabol sa kanya.
Kinakabahan ako na baka na-swindle na ako sa perang pinaghirapan ko nang kung ilang taon din.
Hindi alam ng mga relatives ko na nag-asawa muli ako kaya naguguluhan ako ngayon kung paano ko sasabihin ang aking problema.
Pagpayuhan mo ako, Dr. Love.
Ms. Blue
Dear Ms. Blue,
Obviously, kung walang masamang nangyari sa lalaking iyan, maliwanag na nagoyo ka nga.
Dapat ka ngang umuwi at humingi ng tulong sa mga awtoridad kaugnay ng nangyari sa iyo. Maaaring sa iba ay maliit lang ang kalahating milyon pero iyan ay katumbas ng buhay at dugo ng isang naghahangad guminhawang tulad mo na nagpakasakit magtrabaho sa ibang bansa.
Kailangan ding magtapat ka sa iyong mga kapamilya dito dahil walang ibang daramay sa iyo kundi sila.
Sana’y malutas ang iyong problema at maparusahan ang halang na kaluluwang nanloko sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending