Sara kay Gibo: Pangalanan pro-China officials

MANILA, Philippines — Hinamon ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes si Defense Secretary Gilbert Teodoro na pangalanan ang mga opisyal ng gobyerno na sinasabi niyang tagapagtanggol ng posisyon ng China sa isyu ng West Philippine Sea.
“Dapat pangalanan kung sino ‘yung mga officials na tinutukoy niya na nananatiling nagde-defend sa China over the West Philippine issue,” pahayag ni Duterte.
Iginiit ni Duterte na ang paggawa ng malawak na akusasyon nang hindi pinapangalanan ang mga indibidwal ay maaring lumikha ng mga hindi kinakailangang haka-haka, kabilang ang mga pagsasangkot sa mga opisyal na hindi naman tinukoy ang pagkakakilanlan.
Idinagdag pa niya na maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay maaaring isa sa paghinalaan kung walang babanggiting mga pangalan.
“Kasi hindi puwedeng magbitaw ka ng ganung salita, hindi mo naman pangalanan yung mga official,” aniya.
Una nang nanawagan si Teodoro sa mga opisyal ng gobyerno na tumatangging suportahan ang polisiya ng Pilipinas sa WPS at sa halip ay pumapanig sa China, na magbitiw sa kanilang mga posisyon.
- Latest





















