Higit P10 milyong marijuana resin at kush, nasabat ng BOC

MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang ilang shipment mula sa Estados Unidos at Thailand na naglalaman ng nasa P10.15 milyong halaga ng marijuana resin at high-grade marijuana.
Ayon sa BOC–Port of Clark, ang apat na shipment ay nasabat nila matapos makatanggap ng derogatory information mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kaagad naman umanong nagsagawa ng operasyon hinggil dito ang BOC na nagresulta sa pagkadiskubre ng dalawang shipments mula sa California, na idineklarang isang custom-printed wedding photo at isang letter notebook ngunit nang siyasatin ay natuklasang naglalaman din ng dalawang pouches ng hinihinalang marijuana resin na tumitimbang ng 810 gramo at 808 gramo.
Ang mga naturang substance na may combined estimated value na P2.427 milyon ay nakatakda sanang ihatid sa Caloocan City at Valenzuela City.
Samantala, ang dalawa pang shipment na mula naman sa Thailand ay kapwa idineklarang used clothing. Nang siyasatin, natuklasang naglalaman din ito ng 5,142 gramo ng suspected high-grade marijuana na may estimated value na P7.723 milyon.
- Latest




















