Report ng DFA hihintayin ng Palasyo
Sa pagliligtas ng Phl embassy sa gipit na mga OFW sa Kuwait
MANILA, Philippines — Hihintayin muna ng Malakanyang ang konkretong report ng Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa ginawang rescue ng mga embassy officials sa mga distress Overseas Filipino Workers sa bansang Kuwait.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mahalagang malaman ang tunay na detalye ng pangyayari.
Ayon kay Roque, bagaman si Pangulong Rodrigo Duterte ang nananagot sa pangkalahatang patakarang panlabas, ang pang-araw-araw na pagpapatupad ng mga patakarang ito ng bansa ay nasa kamay ng DFA.
Magugunita na dahil sa ginawang rescue ng mga embassy officials sa mga distress OFWs sa Kuwait ay minasama ito ng Kuwaiti government kaya naghain sila ng diplomatic protest.
Batay sa report, ginawa ng mga embassy officials ang rescue dahil noong Linggo ay nagpaso na ang amnesty na ibinigay ng Kuwaiti government sa mga undocumented OFWs.
Umaasa naman si Roque na hindi makakaapekto sa binabalangkas na Memorandum of Agreement o MOA sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para sa kapakanan ng OFWS ang insidente ng rescue operations.
Kaugnay nito hindi pa matiyak ni Roque kung matutuloy ang planong pagtungo mismo ni Pangulong Duterte sa Kuwait.
- Latest
















