EDITORYAL - Umaapaw na sa addicts ang mga jail
PATULOY ang drug-related killings. Halos araw-araw ay may itinutumba ang mga riding-in-tandem. May lumalaban sa mga pulis na nagsasagawa ng drug operation at napapatay. At marami rin naman ang naaarestong drug suspects mula nang ituloy ang “Oplan Double Barrel”. Sa dami ng mga naaaresto, nag-uumapaw na ngayon ang mga jail sa buong bansa. Parang sardinas na sa rami ng detainess ang mga jail at hindi na maganda ang kanilang kalagayan dahil sa sobrang siksikan. Ang ganitong kalagayan ay nakikita ng human rights advocates at naidadagdag sa akusasyong ibinabato sa Duterte administrasyon kaugnay sa pakikipaggiyera sa illegal na droga.
Ayon sa report, 555 percent na congested ang jails sa bansa at karamihan sa mga nakakulong ay mahihirap na hindi kayang magpiyansa. Nakadagdag sa pagsisikip ng jails ang mga naaarestong drug suspect na halos araw-araw ay nadadagdagan. Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), dumami ang mga detainee mula nang maibalik ang “Oplan Double Barrel” o “Tokhang”. Pansamantalang itinigil ang “Tokhang” ng PNP nang dukutin at patayin ang isang Korean businessman na inakusahan ng mga pulis na sangkot sa droga. Pinatay ang Korean sa loob ng Camp Crame at ang mga suspect ay pawang pulis. Naging kontrobersiya rin ang na-videohang pagtatanim ng droga ng mga pulis sa isang raid sa establishment at hiningan ng pera ang may-ari.
Dahil sa pagsisikip ng mga jail, maski ang hagdanan ay hinihigaan na ng detainess. Mayroong naghahalinhinan sa pagtulog. Mayroong patayo kung matulog at kung anu-ano pang paraan para lamang mairaos ang pamamahinga. Sa isang report, ang jail sa Biñan City, Laguna na naglalaman lamang ng 22 detainees ay mayroon ngayong 602. Wow!
Dapat gumawa ng paraan ang pamahalaan sa nangyayaring ito na umaapaw na ang mga jail. Kung hindi kaya ang parami nang paraming nahuhuli sa illegal na droga, hingin ang tulong ng private sector o international community para malutas ang pag-apaw ng detainees sa mga jail. Gawin itong prayoridad para hindi maakusahang lumalabag sa karapatang pantao.
- Latest